Mga laureate ng Award for Promoting Philippines-China Understanding, ipinakilala; media, susi sa pagbasag ng maling persepyon sa Tsina't Pilipinas

2021-09-06 17:22:39  CMG
Share with:

 

Mga laureates ng Award for Promoting Philippines-China Understanding, ipinakilala; media, susi sa pagbasag ng maling persepyon sa Tsina ng mga Pinoy_fororder_20210906172555

 

Isang online media forum ang ginanap ngayong araw, Setyembre 6, 2021 upang ipakilala ang kauna-unahang  laureates ng Award for Promoting Philippines-China Understanding (APPCU) para sa taong 2021.

 

Sampung mga personalidad ang binigyan ng pagkilala  para sa mga gawaing nagpapalakas ng mapagkaibigang ugnayan at kanilang pagsusulong ng mutuwal na pag-uunawaan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina sa pamamagitan ng  mga adbokasiya at pagkadalubhasa sa iba’t ibang larangan tulad ng mass media at serbisyo publiko, kalakalan at komersyo, sining, kultura, at agham.

 

Tatlo ang kategorya ng gawad: Hall of Fame, Outstanding Contributions at Major Contributions.

 

Si dating First Lady Imelda Marcos ay kabilang sa  Hall of Fame awardees. Kasama rin dito si Ambassador Francis Chua, dating special envoy ng Philippines sa Tsina at Chairman ng Philippine Silkroad International Chamber of Commerce.

 

Sa ilalim ng Outstanding Contributions category kabilang sina Herman “Ka Mentong” Laurel, Host ng Global Talk News Radio at Ang Maestro, Teresita Ang-See, Founder ng Kaisa Para Sa Kaunlaran, Inc.,  Dr. Lourdes Tanhueco-Nepomuceno,   UP Diliman Confucius Institute Director, at si Dr. Rommel Banlaoi, Pangulo ng Philippine Association for Chinese Studies (PACS) .

 

Samantala, sa Major Contributions category naman kinilala sina Prof. Jaime FlorCruz, Founding President ng Peking University Overseas Students’ Alumni Association,   Dr. Mario Leonardo Emilio Aportadera, propesor ng University of San Agustin College of Liberal Arts, Adolfo “Ado” Paglinawan, Pangulo at Punong Patnugot ng  Sovereignph.com at ang pinakabatang awardee na si John Nicolo Fernandez, 51Talk Brand Ambassador.

 

Sa kaniyang pahayag sa online media forum sinabi ni Dr. Banlaoi  “Ang pagsusulong  ng pag-uunawaan ng dalawang panig, na siyang pinakamahalagang diwa ng award, ay maaaring magbukas ng maraming tsanel ng komunikasyon  na kinakailangan sa pag-unlad ng magandang relasyon ng magkapitbansa.”

 

Aniya pa, kahit na may di-pagkakaunawaan ang dalawang bansa sa ilang mga isyu, kabilang na isyu ng  South China Sea, maaari pa ring maging mapagkaibigan sa isa’t isa. Ang patuloy na pagkakaibigan ay makakalikha ng maraming porma na kooperasyon upang maisulong hindi lamang ang pambansa at mutuwal na interes kundi pati na rin ang pandaigdigang interes. Mas pakikinabangan ng Pilipinas at Tsina ang kooperasyon sa halip na komprontasyon, na itinuturing ni Dr. Banlaoi bilang  tunay na esensya ng parangal.

 

Tingin ng mga laureate, kahit nananatili pa ring malaki at marami ang mga hamon  at mga hadlang tungo sa unawaan at pagkakaibigan ng mga Pilipino at Tsino, nakahanda silang patuloy na magsilbil bilang tulay at gampanan ang papel ng sugo ng pakikipagmabutihan  o ambassador of goodwill. 

 

Sang-ayon ang mga awardees na dapat palakasin pa ang pagpapalaganap ng katotohanan sa pamamagitan ng media. Anila tunay na malakas ang impluwensya  ng media sa pagbuo ng persepsyon ng taong-bayan.

 

Dagdag ni Prof. Jaime FlorCruz, ang mga ugnayang nagbubuklod sa mga mamamayan ng Pilipinas at Tsina ay mas mahalaga sa mga pagkakaibang naghihiwalay sa kanila. Dapat aniyang palakasin ang news literacy upang maging mapanuri ang publiko kung ano ang totoo sa kasinungalingan, alin ang misinformation, disinformation at kung ano ang katotohanan. 

 

Sa maikling salita, ani Ado Paglinawan,“Mag-aral para maging maalam.”   

 

At isang mainam na paraan ay ang paggamit sa kapangyarihan ng paglalahad ng mga kwentong makabuluhan, susog ni Prof. Aportadera

 

Bilang isang guro, mahalaga naman para kay Nicolo Fernandez  ang dahan-dahang pagtuturo para maging“pro-people.”Sa maidadaan sa pagbabahagi ng mga bagay na pinahahalagahan niya di lamang tungkol sa Pilipinas kundi  maging sa kultura ng Tsina at iba pang mga bansa.

 

Mga laureates ng Award for Promoting Philippines-China Understanding, ipinakilala; media, susi sa pagbasag ng maling persepyon sa Tsina ng mga Pinoy_fororder_20210906172629

 

Idaraos ang seremonya ng paggagawad sa Biyernes, Setyembre 10 sa pagtataguyod ng Association for Philippines-China Understanding (APCU) at Embahadang Tsino sa Maynila.  

 

Matatandang inilunsad ang APPCU noong Enero, 2021 sa isang virtual ceremony na dinaluhan ni Chinese State Councilor Foreign Minister Wang Yi at dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Kapwa naniniwala ang mga naturang lider na bukod sa pagkakaroon ng magandang ugnayang pulitikal at  ekonomiko, importante ring magkaroon ng  maayos na turingan ang  mga mamamayang Pilipino at Tsino, at karapat-dapat na kilalanin ang  mga taong nagbibigay ambag sa adhikaing ito.  

 

Ulat: Machelle Ramos

Content-edit: Jade/Mac

Web-edit: Jade/Vera

Larawan: APPCU

Please select the login method