Sa eksklusibong panayam sa China Global Television Network – China Media Group (CGTN-CMG) nitong Miyerkules, Setyembre 8, 2021, ibinahagi ni Wang Wenbin, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang paninindigan ng panig Tsino sa mga isyung may kinalaman sa Afghanistan.
Saad ni Wang, pinahahalagahan ng Tsina ang pagbuo ng Afghan Taliban sa pansamantalang pamahalaan at paglalagay ng ilang mahahalagang opisyal, bagay na nagbigay-wakas sa mahigit tatlong linggong kalagayan ng kawalan ng pamahalaan ng Afghanistan.
Ito aniya ay kinakailangang hakbang upang mapanumbalik ang kaayusang panloob at rekonstruksyon pagkatapos ng digmaan.
Tinukoy ni Wang na bilang isang responsableng bansa at kapitbansa ng Afghanistan, palagian at malinaw ang paninindigan ng Tsina – iginagalang ng panig Tsino ang pagsasarili at kabuuan ng teritoryo ng Afghanistan, hindi ito nakikialam sa mga suliraning panloob, at kinakatigan ang nagsasariling pagpili ng mga mamamayang Afghan sa landas ng pag-unlad na angkop sa kalagayan ng sariling bansa.
Umaasa aniya siyang bubuuin ng Afghanistan ang malawakan at inklusibong estrukturang pulitikal, igigiit ang mahinahon, malusog at matatag na patakarang panloob at panlabas, buong tatag na bibigyang-dagok ang iba’t-ibang uri ng teroristikong puwersa, at mapagkaibigang makikipamuhayan sa iba’t ibang bansa, lalong lalo na, sa mga kapit-bansa.
Salin: Vera
Pulido: Rhio