Nag-usap kaninang umaga, Setyembre 10, 2021 sa telepono sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Joe Biden ng Amerika.
Isinagawa ng kapuwa panig ang matapat at malalimang estratehikong pag-uugnayan at pagpapalitan hinggil sa relasyong Sino-Amerikano at mga kaukulang isyung kapuwa nila pinahahalagahan.
Ipinaabot muna ni Xi ang pangungumusta kay Biden at mga mamamayang Amerikano, kaugnay ng kasuwalti at kapinsalaan sa ari-arian sa maraming lugar ng Amerika na dulot ng Hurricane Ida.
Tinukoy niyang nitong nakalipas na isang panahon, nahaharap ang relasyong Sino-Amerikano sa malubhang kahirapan, dahil sa patakaran ng Amerika sa Tsina, at ito ay di-angkop sa pundamantal na kapakanan ng mga mamamayan ng dalawang bansa at komong kapakanan ng iba’t ibang bansa.
Aniya, kung magtutulungan ang Tsina at Amerika, makikinabang dito ang dalawang bansa at buong daigdig; at pagdurusahan ng kapuwa panig at daigdig ang komprontasyon ng Tsina at Amerika.
Diin ni Xi, sa kasalukuyan, nahaharap ang komunidad ng daigdig sa maraming komong kahirapan. Dapat magkaroon aniya ang kapuwa panig ng pangkalahatang pananaw, magsabalikat ng sariling pananagutan, at magpasulong sa pagbalik ng relasyong Sino-Amerikano sa tumpak na landas ng matatag na pag-unlad sa lalong madaling panahon, para ihatid ang mas maraming benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang bansa at buong daigdig.
Inilahad din ni Xi ang paninindigan ng Tsina sa mga isyung gaya ng pagbabago ng klima.
Ipinagdiinan niyang iginigiit ng panig Tsino ang pagbibigay-priyoridad sa ekolohiya at pagtahak sa landas ng berde’t low-carbon na pag-unlad, at palagiang aktibo’t kusang-loob ng isinasabalikat ang pandaigdigang responsibilidad na angkop sa sariling kalagayan.
Saad naman ni Biden, walang intensyon ang Amerika na baguhin ang posisyon sa patakarang “Isang Tsina.”
Nakahanda aniya ang panig Amerikano na isagawa ang mas maraming matapat na pakikipagpalitan at konstruktibong pakikipagdiyalogo sa panig Tsino, tiyakin ang pokus at sa dapat unahing mga larangan ng kooperasyon ng kapuwa panig, at pasulungin ang pagbalik ng bilateral na relasyon sa tumpak na landas.
Salin: Vera
Pulido: Mac