Inilabas kahapon, Setyembre 21, 2021 ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) ang pinakahuling ulat ng pagtaya sa kabuhayan.
Ayon sa pagtaya, kasabay ng tuluy-tuloy na pagsulong ng proseso ng pagbabakuna kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa buong mundo at unti-unting pagpapanumbalik ng mga ekonomikong aktibidad, lalago ng 5.7% at 4.5% ang kabuhayang pandaigdig sa kasalukuyang taon at susunod na taon, ayon sa pagkakasunod.
Tinaya rin nitong aabot sa 8.5% ang paglago ng kabuhayang Tsino sa 2021.
Bukod dito, lalaki ng 6.1% ang kabuhayan ng G20 sa taong ito, at lalaki naman ng 6% at 5.3% ang kabuhayan ng Amerika at Euro Zone.
Tinukoy ng ulat na nananatili pa ring di-balanse ang pagbangon ng kabuhayang pandaigdig.
Nanawagan ang ulat na upang ibalik ang pagbangon ng kabuhayang pandaigdig sa tamang landas, dapat gawin ang mas malakas na pandaigdigang pagsisikap, at ipagkaloob sa mga bansang may mababang kita ang kinakailangang yaman, para pasulungin ang pagbabakuna.
Salin: Vera
Pulido: Mac