Hinahati ng Nong Li o Tradisyunal na Kalendaryong Tsino ang isang taon sa 24 na solar term.
Ang mga ito ay ginawa bilang mahalagang gabay sa mga gawaing pang-agrikultura, tulad ng pagpupunla, paglilinang, paglalagay ng pestisidyo, pag-aani, pag-iimbak at marami pang iba.
Hanggang sa ngayon, malaki ang pakinabang ng mga solar term sa mga Tsino, dahil ang mga ito ang naghuhudyat kung kailan maghahanda sa pagsasaka, ihahain ang mga espesyal na pagkain, isasagawa ang mga kultural na seremonya't pagtitipon, at marami pang iba.
Nagsimula ngayong araw, Setyembre 23 at tatagal hanggang Oktubre 7, 2021 ang ikalabing-anim sa dalawampu’t apat na solar term ng Nong Li: ang Qiu Fen o Autumn Equinox.
Dahil ang Araw ay nakaposisyon sa itaas mismo ng ekuwador, mararanasan sa araw ng Qiu Fen ang ikalawang pagkakataon sa loob ng isang taon na magkapareho ang haba ng araw at gabi -- sunod sa Chun Fen o Spring Equinox (ika-apat na solar term).
Samantala, paglipas ng unang araw ng Qiu Fen, ang haba ng mga araw ay unti-unting iikli at ang mga gabi naman ay magiging mas matagal.
Kaaya-aya at presko ang klima tuwing Qiu Fen, kaya naman lasap na lasap ang pakiramdam ng Taglagas.
Samantala, ayon sa isang kasabihang Tsino:“paglilinang sa Tagsibol, pandaramo sa Tag-init, pag-ani sa Taglagas, at pag-iimbak sa Taglamig.”
Ang Taglagas ay itinuturing bilang panahon ng anihan.
Kaugnay nito, sinimulang ipinagdiwang sa Tsina noong 2018, ang Pista ng Pag-ani sa unang araw ng Qiu Fen.
Ito ang unang pambansang kapistahan ng mga magsasakang Tsino.
Mga magsasaka habang umaani ng palay sa nayong Guitou, Dao County, lunsod Yongzhou, lalawigang Hunan, larawang kuha Setyembre 23, 2021
Mga magsasaka habang nagbibilad ng palay sa nayong Guitou, Dao County, lunsod Yongzhou, lalawigang Hunan, larawang kuha Setyembre 23, 2021
Tulad ng iba pang mga solar term, ang Qiu Fen ay nahahati sa tatlong kabanata o 候(hòu).
Sa unang“hou,”ang temperatura ay unti-unting nagiging malamig at humuhupa ang mga pagkulog at pagkidlat.
Sa ikalawang“hou,”makikita naman ang maraming insekto na nagtatakip ng lupa at iba pang materyales sa kanilang mga pinamumugaran bilang paghahanda sa paparating na Taglamig.
Sa ikatlong“hou,”makikita ang pagmemenor ng pag-ulan, at dahil diyan, dahan-dahang kakati ang tubig sa mga lawa at ilog, at magsisimulang manunuyo ang kalupaan.
Tulad din ng mga Pilipino na umaasa sa agrikultura, ang lahat ng nabanggit ay mga karunungang agrikultural na tinuklas ng mga Tsino bilang gabay sa kanilang pamumuhay at pagsasaka.
Mga aktibidad at kagawian
--Pagmamasid sa mga bulaklak ng osmanthus at krisantemo
Ang mga osmanthus at krisantemo ay nasa panahon pagdating ng Qiu Fen, kaya naman isang tradisyon sa maraming lugar ng Tsina ang pamamasyal sa mga parke at iba pang katulad na lugar upang pagmasdan at langhapin ang magandang tanawin at halimuyak na hatid ng mga bulaklak na ito. Ang pagtingin at pag-amoy sa mga ito ay nagdadala ng ligaya at kapanatagan ng kalooban.
Osmanthus sa Summer Palace, Beijing, Tsina, larawang kuha Setyembre 19, 2021
Mga magsasaka habang namimitas ng krisantemo sa nayong Pingshang, Xifeng County, lalawigang Guizhou, Tsina, larawang kuha Setyembre 9, 2021
Bukod pa riyan, ang mga araw ay may-kainitan at may-kaginawan naman kung madaling araw at gabi tuwing Qiu Fen. Kaya, ang mga tao ay nagsusuot ng maninipis at isang patong na damit sa araw at dobleng patong naman sa madaling araw at gabi.
Ang yugtong ito ay tinatawag na "桂(ɡuì)花(huā)蒸(zhēnɡ)" sa wikang Tsino, na literal na nangangahulugang osmanthus mugginess o basang osmanthus.
--Pagpapatayo ng itlog
Sa araw ng pagpasok ng Qiu Fen, isang popular na kagawian ang pagpapatayo ng itlog.
Ayon sa mga eksperto, ang mga araw at gabi ay may parehong haba, kapuwa sa hilaga at timog na hemisperyo tuwing Qiu Fen. Bukod diyan, ang aksis ng mundo ay nakahilis sa 66.5 digri, at nasa balanse rin ang posisyon ng orbita ng Mundo sa Araw. Kaya, ang panahon ng Qiu Fen ay napakainam anila sa pagpapatyo ng itlog.
Pero, para sa iba, ang pagpapatayo ng itlog ay walang kinalaman sa panahon. Ang pinakamahalaga, ayon sa kanila ay paglilipat ng sentro ng grabidad o center of gravity ng itlog sa pinakailalim na bahagi nito, upang ito ay madaling tumayo. Kailangan anilang piliin ang mga itlog na may edad 4 o 5 araw dahil ang pula ng mga ito ay madaling lumubog sa ibaba.
Ano man ang motibasyon o siyentipikong eksplanasyon, ang popular na laro ng pagpapatayo ng itlog sa Tsina ay isang kawili-wili at nakaka-aliw na libangan tuwing Qiu Fen.
Mga bata mula sa isang kindergarten sa lunsod Lianyungang, lalawigang Jiangsu habang nagpapakita ng kanilang pinintahang itlog bilang pagdiriwang sa pagsapit ng Qiu Fen, larawang kuha Setyembre 23, 2021
Inaanyayahan namin kayong subukan ang larong ito, at ikuwento sa message board ng artikulong ito ang inyong karanasan.
--Pestibal ng Pag-aalay sa Buwan
Noong unang panahon, ang“Pestibal ng Pag-aalay sa Buwan”ay natatapat sa pagpasok ng Qiu Fen. Ayon sa mga talang pangkasaysayan, noon pa mang panahon ng Dinastiyang Zhou (1046BC-256BC), isa nang kaugalian ng mga sinaunang emperador ang pag-aalay sa Araw tuwing Chun Fen at Buwan tuwing Qiu Fen.
Pero, dahil nakabase ang Qiu Fen sa Nong Li, nag-iiba-iba ang eksaktong araw ng pagdating nito, at may posibilidad na hindi lumitaw ang bilog na Buwan sa pagdaraos ng“Pestibal ng Pag-aalay sa Buwan.” Kaya, inilipat ang nasabing pagdiriwang sa Pestibal ng Gitnang Tagsibol o Mid-Autumn Festival, na natapat ngayong taon sa Setyembre 21, 2021.
Mga pagkain
--Alimango
Sa panahon ng Qiu Fen, ang mga alimango ay napakalinamnam. Dagdag pa riyan, nakakatulong ito sa pagpapalakas ng utak ng buto o bone marrow at nagpapalabas ng sobrang init sa katawan.
--Qiucai
Sa katimugang bahagi ng Tsina, isang popular na kagawian ang pagkain ng Qiucai (Gulay ng Taglagas) sa unang araw ng Qiu Fen.
Ang Qiucai ay isang uri ng ligaw kulitis.
Tuwing Qiu Fen, isang tradisyon ang pangangalap at pagsasabaw ng mga ito kasama ang isda. Ang putahe ay tinaguriang "Qiutang(Sabaw ng Taglagas)."
May isang matandang kasabihan tungkol sa putaheng ito: "Humigop ng sabaw upang malinis ang atay at bituka, nang sa ganoon ang buong pamilya ay maging ligtas at maligaya.”
Ipinahihiwatig nito ang pagpapahalaga ng mga Tsino sa kalusugan dahil ito ay may malalim na kaugnayan sa kaligayahan at kaligtasan ng buong pamilya.
--Ibat-ibang gulay at prutas
Tuwing Qiu Fen, nasa panahon din ang mga olive, peras, papaya, kastanyas, ibat-ibang uri ng sitaw, at iba pang nakakaing halaman. Kaya naman, mainam na pitasin, iluto at kainin ang mga ito.
Peras
Samu't saring uri ng sitaw
Kastanyas
Hawthorn sa isang taniman sa Qi County, lunsod Jinzhong, lalawigang Shanxi, larawang kuha Setyembre 23, 2021
Mga magsasaka habang namimitas ng ampalaya sa lunsod Ji'an, lalawigang Jiangxi, larawang kuha Setyembre 23, 2021
Artikulo: Rhio Zablan
Content-edit: Jade/Rhio
Web-edit: Jade/Sarah
Source: Sarah/Jade
Larawan: CFP