Pagsapit ng Li Qiu: Paalam Tag-init, tuloy ka Taglagas!

2021-08-07 10:30:13  CMG
Share with:

Pagsapit ng Li Qiu: Paalam Tag-init, tuloy ka Taglagas!_fororder_VCG211292335274

 

Nagsimula ngayong araw, Agosto 7 at tatagal hanggang Agosto 22, 2021 ang ikalabintatlo sa dalawampu't apat na solar term ng Tradisyunal na Kalendaryong Tsino – ang Li Qiu.  

 

Literal na nangangahulugang“Simula ng Taglagas,”ipinahihiwatig ng pagsapit ng Li Qiu ang unti-unting pagdating ng mas malamig na simoy ng hangin, mas komportableng klima at dahan-dahang pagmamaliw ng mainit na yugto ng taon.

 

Bagamat, nangangahulugang“Simula ng Taglagas”at nagsimula na ang panahon ng Taglagas, hindi ibig sabihing tunay na nagtapos na ang mainit na klima sa pagdating ng Li Qiu.

 

Mararamdaman pa rin ang may-kainitang panahon, at ito ay tinatawag na "Tigre ng Taglagas" o "Tag-init ng Indiya."

 

Ang Li Qiu ay binubuo ng dalawang karakter na Tsino na, “立” at “秋.”

 

Ang Li (立) ay nangangahulugang “simula,” samantalang ang Qiu (秋) naman, na ang ibig sabihin ay “Taglagas” ay binubuo ng dalawa pang ibang karakter: ang He (禾) o palay at Huo (火) o apoy.

 

Kaya sa konteksto, ang isa pang kahulugan ng karakter na Qiu (秋) ay paghinog ng bunga ng palay.

 

Bilang isang tradisyunal na agrikultural na bansa, ang pagsapit ng Li Qiu ay mahalaga para sa mga magsasakang Tsino, dahil ito ay hudyat na kailangan nang anihin ang mga pananim sa bukirin.

 

Kaugnay nito, hinahati ng Tradisyunal na Kalendaryong Tsino ang isang taon sa 24 na solar term, at ang mga ito ay ginagawa pa rin bilang mahalagang gabay sa mga gawaing pang-agrikultura, tulad ng  paglilinang, pagpupunla, paglalagay ng pestisidyo, pag-aani, pag-iimbak at marami pang iba.

 

Magpahanggang ngayon, kapaki-pakinabang pa rin ang mga solar term dahil ang mga ito ang nagsasabi sa mga mamamayan kung kailan ihahain ang mga espesyal na pagkain, isasagawa ang mga kultural na seremonya at pagtitipon, at marami pang iba.

 

Samantala, bukod sa pagiging ikalabintatlong solar term, ang Li Qiu ay siya ring unang solar term ng Taglagas, at sa pagsapit nito, magsisimulang maninilaw o mamumula at unti-unting mahuhulog sa lupa ang mga dahon ng puno.

 

Kaugnay nito, may isang idyomang Tsino: 落(luò)叶(yè)知(zhī)秋(qiū) na nangangahulungang makikita ang pagdating ng Taglagas sa pagbagsak sa lupa ng mga dahon ng mga punong-kahoy.

 

Pagsapit ng Li Qiu: Paalam Tag-init, tuloy ka Taglagas!_fororder_VCG41450741509

 

Tradisyon at kagawian

 

Marami ang kawili-wili at kakaibang kagawian ng mga Tsino pagsapit ng Li Qiu, at ilan sa mga ito ang mga sumusunod:

 

--Pagtitimbang – Sa unang araw ng Li Qiu, kadalasang nagtitimbang ang mga Tsino upang ikumpara ang kanilang bigat noong simula Tag-init at kanilang bigat sa simula ng Taglagas. Ang mga taong nabawasan ng timbang sa kahabaan ng Tag-init ay pinapayuhang kumain ng maraming masarap na pagkain, lalung-lalo na ng karne.

 

--Pag-ani ng pananim – Napakahalaga ng Li Qiu para sa mga magsasakang Tsino, dahil ito ay panahon ng anihan. Kaugnay nito, may isang kasabihang Tsino: “Kung umulan sa araw na sumapit ang Li Qiu, asahan ang pagdating ng ginintuang ani.”

Pagsapit ng Li Qiu: Paalam Tag-init, tuloy ka Taglagas!_fororder_VCG41N1040805108

Pagsapit ng Li Qiu: Paalam Tag-init, tuloy ka Taglagas!_fororder_VCG211340497372

 

--“Paghipo sa Taglagas” – May isang katangi-tanging kagawian sa lunsod Yancheng, lalawigang Jiangsu, gawing silangan ng Tsina, at ito ay tinatawag na “Paghipo sa Taglagas.” Ayon dito, sa bisperas ng pagsapit ng Li Qiu, maaaring hipuin at libreng kunin ng mga tao ang lahat ng uri ng prutas na kanilang magustuhan mula sa mga pribado at pampublikong hardin. Ang mga may-ari ay hindi magagalit, gaano man karami ang mawala sa kanila. Sa katanuyan, sinasadyang iwan pa nga ng mga magsasaka at hardinero ang mga prutas sa mga taniman upang kunin ng mga bisita.

 

Pagkain

 

Ang pagkain ay hindi-maihihiwalay na bahagi ng bawat kaganapan, pagdiriwang, at pagtitipon sa kulturang Tsino. Ang Li Qiu ay walang kaibahan sa aspektong ito.

 

Milokoton o Peach – Isa nang kagawian sa Tsina, lalo na sa lunsod Hangzhou, lalawigang Zhejiang, ang pagkain ng milokoton sa panahon ng Li Qiu. Matapos kainin ang mga ito, ang mga buto ay kanilang itatago hanggang sa pagsapit ng Chun Jie o Bagong Taong Tsino. Pagdating ng bisperas ng Chun Jie, itatapon nila ang mga buto ng milokoton sa kalan hanggang maging abo. Ang kagawiang ito ay pinaniniwalaang makakapigil ng mga salot sa darating na taon.

 

Pagsapit ng Li Qiu: Paalam Tag-init, tuloy ka Taglagas!_fororder_VCG21gic13881208

 

Longgan – Ang prutas na ito ay isa sa mga paboritong kainin ng mga Pilipino at Tsino. Ang Li Qiu ay panahon ng pag-ani ng longgan sa Tsina. Dahil dito, ang longgan ay masarap at matamis. Naniniwala ang mga taga-Taiwan, na ang pagkain ng longgan sa panahon ng Li Qiu ay magdudulot ng suwerte sa kanilang mga salinlahi upang maging mataas na opisyal ng pamahalaan.

 

Pagsapit ng Li Qiu: Paalam Tag-init, tuloy ka Taglagas!_fororder_VCG211200517011

 

Dumpling o Jiao Zi – Ang Jiao Zi ay isa sa mga pinakakilalang pagkaing Tsino, at may mahalagang katuturan sa buhay, kultura, at maraming selebrasyon ng bansa. Kaugnay nito, tuwing Li Qiu, inihahanda at kinakain ng mga Tsino, lalo na ang mga taga-lalawigang Shandong ang  Jiao Zi, at tinatawag nila itong "Pagkain sa Taglagas." Ayon sa tradisyon, sa unang araw ng Li Qiu, sama-samang magdarasal para sa mabuting ani sa Taglagas ang matatandang miyembro. Matapos ito, kadalasang pinagsasaluhan ng buong pamilya ang Jiao Zi.

 

Pagsapit ng Li Qiu: Paalam Tag-init, tuloy ka Taglagas!_fororder_VCG211265393178

 

Pulang Munggo – Simula noong panahon ng mga Dinastiyang Tang (618AD-907AD) at Song (960AD-1279AD), isa nang tradisyon ng mga Tsinong taga-lunsod Yiwu, lalawigang Zhejiang ang pagkain ng pulang munggo sa panahon ng Li Qiu. Ayon sa kanilang matandang paniniwala, sa panahon Li Qiu, kailangang kainin ang pito hanggang labing-apat na butil ng pulang munggo at isasabay na inumin ang tubig mula sa balon, habang nakaharap sa kanluran. Ito ay upang maiwasan ang pagkakasakit ng disenterya sa Taglagas.

 

Pagsapit ng Li Qiu: Paalam Tag-init, tuloy ka Taglagas!_fororder_VCG21be753ed01

 

Gourd (nabibilang sa pamilya ng Upo, Kundol, Patola, Kalabasa  at Ampalaya) – Noong panahon ng Dinastiyang Qing (1644-1911), isang kagawian ang paglalagay ng mga gourd sa labas ng bahay sa loob ng isang araw bago sumapit ang Li Qiu. Pagsapit ng unang araw ng nasabing solar term, ihahanda at pagsasaluhan ang mga ito bilang panlaban sa init ng panahon. Sa ngayon, buhay pa rin ang tradisyong ito sa mga taga-Tianjin, munisipalidad sa gawing hilaga ng Tsina. Naniniwala silang ang pagkain ng patola, kundol at ampalaya ay makapag-iiwas sa kanila sa pagkakasakit.

 

Pagsapit ng Li Qiu: Paalam Tag-init, tuloy ka Taglagas!_fororder_VCG41505967189

 

 

Artikulo: Rhio Zablan

Content-edit: Jade/Rhio

Web-edit: Jade/Sarah

Source: Sarah/Jade 

 

Please select the login method