Tinatawag na Dashu, tatagal mula Hulyo 22 hanggang Agosto 6, 2021 ang pinakamainit na panahon sa Tsina, at ito ay maihahalintulad sa tag-init ng Pilipinas.
Ang Dashu ay literal na nangangahulugang“malaking init,”at katulad ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ang panahon ay talaga namang napaka-init.
Pero, di-tulad ng tag-init sa Pilipinas, madalas umulan kapag Dashu.
Dahil sa sinag ng araw, mataas na temperatura at ulan, mabilis yumabong at maging hinog ang karamihan sa mga pananim sa yugtong ito.
Pero, dahil din sa mga elementong ito, mataas ang posibilidad na magkaroon ng pagbaha, kaya napakahalaga ng maingat na pagbabantay sa pagbabago sa klima, agad na pag-ani sa mga hinog nang pananim, at pagsasanggalang sa mga ito laban sa pagkasirang dulot ng mga natural na kapahamakan.
Ang Dashu ay ang ika-6 na solar term ng Nong Li o Tradisyunal na Kalendaryong Tsino at siya ring huling solar term ng tag-init.
Hinahati ng Nong Li ang isang taon sa 24 na solar term, at ang mga ito ay ginagawa bilang mahalagang gabay at hudyat sa mga gawaing pang-agrikultura, tulad ng pagpupunla, paglilinang, paglalagay ng pestisidyo, pag-aani, pag-iimbak at marami pang iba.
Magpahanggang ngayon ay kapaki-pakinabang pa rin ang mga solar term dahil ang mga ito ang nagsasasabi sa mga karaniwang mamamayan kung kailan ihahain ang mga espesyal na pagkain, isasagawa ang mga kultural na seremonya at pagtitipon, at marami pang iba.
Ang Dashu ay may tatlong katangian:
--Una, paglabas ng mga alitaptap sa gabi;
--Pangalawa, pagiging mainit at basa ng panahon;
--Pangatlo, pagbuhos ng pabugsu-bugsong malalakas na ulan.
Ang mga pagbabagong ito sa klima, at asal ng mga hayop ay itinala ng mga sinaunang Tsino libong taon na ang nakakaraan, at maikukunsiderang karunungang Tsino sa larangan ng agrikultura.
Kawili-wiling aktibidad at paniniwala
May ilang kakaiba at kawili-wiling aktibidad ang mga Tsino pagsapit ng Dashu at ilan sa mga ito ang mga sumusunod:
--Pagmamasid sa mga alitaptap
Kagaya ng unang nabanggit, lumalabas ang mga alitaptap tuwing Dashu. Ang mga kutitap mula sa mga mumunting alitaptap ay mistulang mga bituwing nagbibigay ng dagdag na panghalina sa mga gabi ng tag-init. Kaya naman isang kagawian ng mga Tsino na pagmasdan ang kamangha-manghang mga ilaw mula sa mga insektong ito sa gabi. Dagdag pa riyan, isa ring matandang paniniwala sa Tsina, na ang paglitaw ng mga alitaptap ay isang hudyat na paparating na ang taglagas.
--Paglalaro ng Kuliglig
Tulad ng mga alitaptap, naglalabasan din ang mga kuliglig tuwing Dashu. Dahil dito, isa sa mga tradisyunal na paboritong aktibidad sa maraming lugar sa Tsina ang paglalaro ng kuliglig. Paano ang paglalaro? Ilalagay sa isang sisidlan ang dalawang kuliglig upang sila ay maglaban. Ang sinumang tumakbo o huminto sa paghuni ay ang talo. Ang kagawiang ito ay may mahigit isanlibong taong kasaysayan at pinaniniwalaang nagsimula noong panahon ng Dinastiyang Tang (618AD – 907AD).
--Paglalayag ng“Bangka ng Dashu”
Ito ay isang kagawiang may daan taong kasaysayan at pinaniniwalaang nagsimula sa lunsod Taizhou, lalawigang Zhejiang, gawing silangan ng Tsina. Alinsunod sa seremonya, isang bangka ang pupunuin ng ibat-ibang pagkain at kagamitan bilang saripisyo. Ilampung mangingisda ang magsasalitan sa pagbubuhat nito sa paligid ng lokalidad, kasabay ng paghataw sa mga tambol at pagsindi ng mga paputok. Samantala, ang mga tao namang nanonood sa magkabilang gilid ng kalsada ay magbibigay ng kanilang pagpapala, at magpapahayag ng mabuting hangarin. Matapos ito, dadalhin sa pantalan ang nasabing bangka upang pumalaot. Layunin ng rituwal na ipagdasal ang malusog na pangangatawan at mapayapang pamumuhay ng mga mamamayan.
Ngayong taon, ang paglalayag ng“Bangka ng Dashu”ay itinala ng Tsina bilang pambansang intangible heritage.
Pagkain tuwing Dashu
Ang pagkain ay hindi-mawawalang bahagi ng bawat kaganapan, pagdiriwang, at pagtitipon sa kulturang Tsino, at walang kaibahan ang Dashu sa aspektong ito.
-- Pinya, Litchi at Mizao
Kagaya nating mga Pilipino, mahilig ding kumain ng Pinya ang mga Tsino kapag mainit ang panahon, lalo na kapag Dashu. Dito sa Beijing, makikita ang mga Pinyang nagmula pa sa Pilipinas, hindi lamang sa panahong ito, kundi buong taon.
Ang pagkain ng Pinya ay nagdadala ng preskong ginhawa sa mainit na panahon.
Ang Litchi ay isang masustansyang prutas na nagtataglay ng glucose (isang uri ng asukal) at ibat-ibang bitamina. Kadalasan itong ibinababad sa malamig na tubig bago kainin. May kasabihang Tsino, “Kasinsustansya ng ginseng ang Litchi tuwing Dashu.”Kaya, isa ito sa mga paboritong prutas sa Tsina tuwing mainit ang panahon.
Ang 米糟(mǐzāo) naman ay gawa sa permentadong bigas. Sa panahon ng Dashu, iniluluto ito kasama ang pulang asukal. Ito ay mainam na pansustena sa lakas ng katawan lalo na sa mainit na panahon.
--Grass jelly o Gulaman
Isa pang pagkaing pang-Dashu na may similaridad sa pagkaing Pilipino tuwing tag-init ay ang Grass jelly, o Gulaman, o Xiancaodong. Ito ay gawa sa espesyal na damong may dahon at katawang maaaring patuyuin sa araw. Matapos, maihanda, ito ay nakakapagpalamig ng pakiramdam. Sa lalawigang Guangdong, gawing timog ng Tsina, may kasabihang "ang pagkain ng Xiancaodong sa panahon ng Dashu ay nakakapagpabata tulad, ng isang imortal.”
Artikulo: Rhio Zablan
Content-edit: Jade/Rhio
Web-edit: Jade/Sarah
Larawan: CFP
Source: Sarah/Jade
Butil sa Tainga: abalang panahon ng pagsasaka, katangi-tanging tradisyon at masasarap na pagkain
Ika-8 solar term ng Tradisyunal na Kalendaryong Tsino: Xiaoman, panahong puno ng kasiglahan
Produktong Pinoy, inilunsad sa Tsina: patakaran ng bansa, malaking tulong sa mga dayuhang kompanya
Kawili-wiling paniniwala, kagawian at pagkain sa panahon ng Li Xia – ang Simula ng Tag-init