Sa pamamagitan ng video link, magkasamang pinanguluhan Setyembre 28, 2021, nina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Josep Borrell, Mataas na Kinatawan ng Unyong Europeo (EU) sa Patakarang Diplomatiko at Panseguridad, ang Ika-11 Mataas na Estratehikong Diyalogo ng Tsina at Europa.
Ani Wang, kapuwa ipinalalagay ng Tsina at EU na dapat igiit ang paggagalangan sa isa’t-isa, palawakin ang mga larangang pangkooperasyon, at pangalagaan ang kaayusang pandaigdig na nakabase sa “Karta ng UN” at pandaigdigang batas, upang magkasamang maharap ang mga komong hamong tulad ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), at pagbabago ng klima.
Dapat din aniyang patibayin ng kapuwa panig ang positibong tunguhin ng relasyong Sino-Europeo, palalimin ang pagtitiwalaang pulitikal, at maayos na kontrolin ang alitan upang makapagbigay ng ambag sa pagharap sa mga hamong pandaigdig.
Ipinahayag naman ni Borrell na ang pagpapaunlad ng relasyon sa Tsina ay mahalagang agenda ng EU.
Napakahalaga aniya ang pagpapanatili ng mahigpit at mabuting pagsasangguniang Europeo-Sino.
Salin: Lito
Pulido: Rhio