Muling hiniling ng Tsina na isaisip ng Estados Unidos na napakasensetibo ng isyu ng Taiwan at dapat nitong sundin ang prinsipyong Isang Tsina at tatlong Magkasanib na Komunike sa pagitan ng dalawang bansa. Para rito, dapat itigil ng Amerika ang pagbebenta ng mga sandata sa Taiwan at putulin ang ugnayang militar ng Taiwan at Amerika.
Ipinahayag ang naturang paninindigan ni Zhao Lijian, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina sa regular na preskon nitong Biyernes, Oktubre 8, 2021, bilang tugon sa di-umano’y ilang buwang lihim na pagsasanay ng US Special Operations forces sa mga tropa sa Taiwan.
Diin ni Zhao, ang prinsipyong Isang Tsina ay batayang pampulitika ng ugnayang Sino-Amerikano. Ang pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa ay nababatay sa tatlong paunang kondisyon na kabilang dito ang pagputol ng Amerika sa di-umano’y “relasyong diplomatiko” sa Taiwan, pagpapawalang-bisa ng di-umano’y "mutual defense treaty" sa Taiwan, at pagpapauwi ng tropang militar ng Amerika mula sa Taiwan, paliwanag pa ni Zhao.
Gagawin ng Tsina ang lahat ng magagawa para protektahan ang soberanya at kabuuan ng teritoryo, saad ng tagapagsalitang Tsino.
Kaugnay naman ng pagtatatag ng Central Intelligence Agency (CIA) ng bagong China Unit bilang tugon sa di-umano’y bantang panseguridad mula sa Beijing, inilahad ni Zhao na ito ay tipikal na sintomas ng Cold War mentality.
Hinimok ni Zhao sa CIA na ituring ang pag-unlad ng Tsina at ugnayang Sino-Amerikano sa pananaw na obdyektibo at makatwiran, at iwasang gawin ang mga bagay na makakapinsala sa pagtitiwalaan at pagtutulungan ng dalawang bansa.
Salin: Jade
Pulido: Mac