Binuksan ngayong araw, Oktubre 12, ang Summit ng mga Lider ng Ika-15 Pulong ng Conference of the Parties to the Convention on Biological Diversity (COP15), sa Kunming, lalawigang Yunnan, sa dakong timog ng Tsina.
Sa kanyang talumpati sa naturang summit sa pamamagitan ng video link, hinimok ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang komunidad ng daigdig na pasulungin ang kooperasyon para itatag ang komunidad para sa lahat ng uri ng buhay sa Mundo.
Para rito, hinimok din ng pangulong Tsino ang mas malaking tulong at suporta sa mga umuunlad na bansa para maisakatuparan nila ang dalawang tungkulin ng pagpapanumbalik ng kabuhayan at pangangalaga sa kapaligiran.
Paggalang sa kalikasan at pagtatatag ng mga pambansang parke
Ipinagdiinan din ni Xi ang kahalagahan ng pagbibigay-galang sa kalikasan.
Aniya, dahil sa dibersibidad na biyolohikal, lipos ng kasiglahan ang mundo, at ito rin ang pundasyon ng pamumuhay at pag-unlad ng sangkatauhan.
Kung mapagkalinga ang mga tao sa kalikasan, magiging mapagbigay ang kalikasan at kung malupit naman ang mga tao sa kalikasan, mahaharap sila sa mabangis na ganti ng kalikasan, saad pa ni Xi.
Kaya, kailangang igalang ng tao ang kalikasan, tumalima sa mga batas ng kalikasan at protektahan ito, para itatag ang tahanan ng mundo kung saan may harmonyang nakikipamuhayan ang sangkatauhan at kalikasan.
Nanawagan din si Xi sa pagpapasulong ng sibilisasyong ekolohikal o ecological civilization bilang gabay para koordinahin ang ugnayan sa pagitan ng tao at kalikasan.
Kaugnay ng pagsisikap at mga natamong bunga hinggil dito, nabanggit ni Xi ang paglalakbay kamakailan ng mga elepante mula sa lalawigang Yunnan, at ligtas nilang pagbalik sa lugar na ito.
Sa naturang summit, upang tulungan ang mga umuunlad na bansa sa pangangalaga sa biyolohikal na dibersibidad, ipinatalastas ni Xi na ilalaan ng Tsina ang 1.5 bilyong yuan RMB (mahigit USD $230 million) para pasinayaan ang Kunming Biodiversity Fund.
Bukod dito, bubuuin din aniya ng Tsina ang sistema ng mga protektadong lugar na nagtatampok sa mga pambansang parke.
Tsina, buong lakas na idedebelop ang renewable energy
Upang maisakatuparan ang target ng carbon peak and carbon neutrality ng Tsina, paiiralin ani Xi ng bansa ang "1+N" policy framework at batay rito, patuloy na pasusulungin nito ang estrukturang industriyal at kayarian ng enerhiya sa pamamagitan ng pagdedebelop ng mga renewable energy.
Para rito, pabibilisin ng Tsina ang pagtatatag ng mga base na wind power at photovoltaic sa mga disyerto at kabilang dito, sinimulan nang itayo ang unang yugto ng mga proyekto na may instaladong kapasidad ng humigit-kumulang 100 milyong kilowatt, dagdag pa ni Xi.
Salin/Patnugot: Jade
Pulido: Mac