Dumalo at nagtalumpati ngayong araw, Oktubre 25, 2021, sa Beijing, si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, sa pulong bilang paggunita sa ika-50 anibersaryo ng pagpapanumbalik ng lehitimong luklukan ng Republika ng Bayan ng Tsina (PRC) sa United Nations (UN).
Aniya, nitong 50 taong nakalipas, buong tatag na tumatahak ang Tsina sa landas ng mapayapang pag-unlad, at tuluy-tuloy na nagbibigay ng ambag sa kagalingan ng mga mamamayan ng buong daigdig.
Tinukoy niyang, itinataguyod ng Tsina ang pagtatatag ng komunidad ng pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan, kung saan mayroong komong kapakanan, karapatan, at responsibilidad sa mga suliraning pandaigdig ang iba't-ibang bansa, kahit magkakaiba ang kani-kanilang sistemang panlipunan, ideolohiya, kasaysayan, kultura, at lebel ng pag-unlad.
Ipinahayag din ni Xi, na dapat pangalagaan ang awtoridad at katayuan ng UN, para mapatingkad ng organisasyong ito ang mas positibong papel kaugnay ng usapin ng kapayapaan at kaunlaran ng sangkatauhan.
Dagdag niya, igigiit ng Tsina ang mapayapang pag-unlad, reporma't pagbubukas sa labas, at multilateralismo, para patuloy na magbigay ng ambag sa kapayapaan, kaunlaran, at kaayusan ng mundo.
Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan