Sa kanyang talumpati sa pulong bilang paggunita sa ika-50 anibersaryo ng pagpapanumbalik ng lehitimong luklukan ng Republika ng Bayan ng Tsina (PRC) sa United Nations (UN) kahapon, Oktubre 25, 2021, ipinagdiinan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na igigiit ng bansa ang pagtahak sa landas ng mapayapang pag-unlad, at sa mula’t mula pa’y naglilingkod sa kapayapaan ng daigdig.
Nitong nakalipas na 50 taon, iminungkahi at ipinatupad ng Tsina ang limang simulain ng mapayapang pakikipamuhayan, hindi kailanma'y kusang inilunsad ang alinmang digmaan at sagupaan, at hindi rin kailanman sinakop ang teritoryo ng ibang bansa. Sa mula’t mula pa’y nakikipagtulungan ito sa mga mamamayan ng iba’t ibang bansa, para mapangalagaan ang katarungang pandaigdig.
Bilang kasaping bansang tagapagtatag ng UN, laging iminumungkahi ng Tsina ang pagresolba sa mga alitan sa pamamagitan ng mapayapa’t pulitikal na paraan, buong tatag na tinututulan ang paggamit o pagbabalang gumamit ng dahas sa mga suliraning pandaigdig, at aktibong sumali sa pulitikal na pagresolba sa mahahalagang isyung panrehiyon.
Bilang pirmihang kasaping bansa ng United Nations Security Council (UNSC), hanggang sa kasalukuyan, ipinadala na ng Tsina ang mahigit 50,000 person-time na tauhan sa mga misyong pamayapa ng UN.
Nagsisilbi rin itong ika-2 pinakamalaking bansang nagbabayad ng membership dues at peacekeeping assessment ng UN.
Bukod dito, aktibong nakikisangkot ang Tsina sa pandaigdigang proseso ng arms control at disarmament, at sumapi sa mahigit 20 pandaigdigang tratado at mekanismo ng arms control na kinabibilangan ng Non-Proliferation Treaty.
Ang lahat ng mga ito ay nagpapakitang ang pangangalaga ng Tsina sa kapayapaan ay idinadaan sa aktuwal na aksyon, sa halip ng pananalita lamang.
Tulad ng mungkahi ni Pangulong Xi sa kanyang talumpati, dapat magbuklud-buklod at magtulungan ang sangkatauhan, tungo sa pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan, at magkasamang lumikha ng mas kaaya-ayang kinabukasan.
Salin: Vera
Pulido: Mac