Sa pamamagitan ng video link, nagtagpo ngayong araw, Oktubre 25, 2021, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangkalahatang Kalihim Antonio Guterres ng United Nations (UN).
Sinabi ni Xi, na sa okasyon ng ika-50 anibersaryo ng pagpapanumbalik ng lehitimong luklukan ng Republika ng Bayan ng Tsina (PRC) sa UN, hindi lamang nasariwa ang kasaysayan ng pakikipagkooperasyon ng Tsina sa UN, kundi inilahad din ang hangarin ng dalawang panig para sa paglikha ng mas kaaya-ayang daigdig.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan sa pagtalima sa mga layon at prinsipyo ng Karta ng UN sa mga suliraning pandaigdig, at pagsasakatuparan ng paggagalangan, mapayapang pakikipamuhayan, at win-win na situwasyon sa pagitan ng lahat ng mga bansa.
Ipinangako rin ni Xi, na palalakasin ang kooperasyon ng Tsina at UN sa iba't-ibang suliranin, lalung-lalo na sa paglaban sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), pagsasakatuparan ng 2030 Agenda for Sustainable Development, at pagharap sa pagbabago ng klima.
Sinabi naman ni Guterres, na napakahalaga ng pagpapanumbalik ng lehitimong luklukan ng PRC sa UN.
Pinasalamatan niya ang Tsina para sa paggigiit nito sa multilateralismo, pagsuporta sa mga gawain ng UN, at pagbibigay ng ambag sa kapayapaan at kaunlaran ng daigdig.
Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan