Bilang pagdiriwang sa simula ng 100-araw na countdown para sa pagbubukas ng Beijing Olympic Winter Games, ginanap kahapon, Oktubre 27, 2021 ang kauna-unahang China-Europe Music Festival ng China Media Group (CMG).
Sa ilalim ng temang "The World in Unity," ipinahayag ng mga musikero mula sa Tsina, Alemanya, at Switzerland ang magagadang pagbati sa Olimpiyadang ito.
Sa kanyang video message, sinabi ni Thomas Bach, Presidente ng International Olympic Committee (IOC), na ang Beijing ay magsisilbing unang lunsod na tagapagtaguyod ng kapuwa Summer Olympics at Winter Olympics sa kasaysayan ng sangkatauhan.
Aniya, ang transnasyonal na konsyertong ito ay isa pang milestone sa proseso ng paglikha ng Beijing ng bagong kasaysayan.
Ayon naman kay Presidente Shen Haixiong ng CMG, ang palakasan at musika ay komong lengguwahe ng sangkatauhan.
Aniya, sa ilalim ng watawat ng Olimpiyada, ipinaabot ng mga artista mula sa maraming bansa ang kani-kanilang taos-pusong pagbati at pag-asa para sa matagumpay na pagdaraos ng Beijing Olympic Winter Games sa paraang pansining.
Sa pamamagitan ito, naramdaman ko na ang pagkakaibigan ay mas matayog kaysa bundok, at mas malalim kaysa dagat, saad ni Shen.
Diin niya, handang-handa na ang CMG para ikober ang kamangha-manghang Olimpiyada ng buong mundo.
Salin: Vera
Pulido: Rhio