Natapos nitong Linggo, Oktubre 31 ang G20 Summit sa Roma, Italya, kung saan pinagtibay ng mga kalahok na lider ang deklarasyon na muling nagpapahalaga sa makabuluhang papel ng multilateralismo at pandaigdig na kooperasyon para malampasan ang mga hamong dulot ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Sa dekalarasyon, ipinangako ng mga lider ng mga pangunahing kabuhayan ng daigdig na gagamitin ang lahat ng pamamaraan para tugunan ang mga negatibong impluwensyang dulot ng pandemiya, panumbalikin ang kabuhayan at pamumuhay, at maging alerto sa mga pandaigdig na hamong tulad ng pagputol ng supply chain.
Dahil sa kahalagahan ng papel ng bakuna laban sa salot, nagkaisa rin ang mga lider na pag-iibayuhin ang pagsisikap para matiyak ang napapanahon, pantay-pantay at unibersal na akses para sa ligtas, abot-kaya, de-kalidad at epektibong bakuna, terapyutiks, at diyagnostiks, lalung-lalo na para sa pangangailangan ng mga bansang may mababa at katamtamang kita.
Kaugnay ng pagbabago ng klima, nananangan pa rin ang mga lider sa Paris Agreement goal na itakda sa ibaba ng dalawang degrees Celsius ang karaniwang pagtaas ng temperatura ng daigdig.
Magsisikap din sila upang ilimita ito sa 1.5 degrees Celsius na mas mataas kumpara sa pre-industrial na lebel.
“Matagumpay ang summit at ang multilateralismo ay ang pinakamainam na porma ng pagtutulungan, ”ani Punong Ministro Mario Draghi sa preskon ng pagpipinid.
Nanawagan din si Draghi sa mga miyembro ng G20 na agarang sama-samang kumilos para maharap ang mga pandaigdig na isyu ng pandemiya, klima at biodibersidad.
Ang populasyon ng G20 ay katumbas ng halos 2/3 ng populasyon ng daigdig, samantalang ang Gross Domestic Product (GDP) nito ay lampas sa 80% ng GDP ng daigdig at sumasaklaw sa 75% ng kalakalan ng daigdig.
Ang katatapos na dalawang araw na summit na ginanap kapuwa online at offline ay itinaguyod ng Italya.
Ang Indonesia ay susunod na bansang pangulo ng G20 Summit simula Disyembre, 2021.
Salin: Jade
Pulido: Rhio