Sa panahon ng kanyang pagdalo sa Ika-26 na Sesyon ng Conference of the Parties (COP26) ng United Nations Framework Convention on Climate Change, inihayag ni Pangulong Joe Biden ng Amerika na ang isyu ng pagbabago ng klima ay isang “higanteng isyu,” at ang Tsina ay bansang “tumatalikod” dito.
Bilang sagot, sinabi nitong Miyerkules, Nobyembre 3, 2021 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang pagharap sa pagbabago ng klima ay nangangailangan ng aktuwal na aksyon, sa halip ng hungkag na salita.
Isinalaysay niya ang mga aktuwal na aksyon ng bansa na gaya ng: umaabot sa halos 12,000 ektarya ang karaniwang saklaw ng bagong itinatanim na kagubatan ng Tsina kada araw, at halos 90,000 kilowatt ang karaniwang idinaragdag na photovoltaic capacity kada araw.
Dagdag niya, sa kasalukuyan, itinatatag ng bansa ang isang serye ng proyektong kaugnay ng large-scale wind at photovoltaic na may kabuuang saklaw ng halos 30 milyong kilowatt.
Saad ni Wang, dahil sa pagtalikod ng Amerika sa Paris Agreement, apektado ang global climate governance at komprehensibo’t mabisang pagpapatupad ng kasunduan.
Nananawagan aniya ang panig Tsino sa pagbalik ng Amerika sa Paris Agreement, batay sa konstruktibong pakikitungo.
Umaasa rin aniya ang Tsina na isasabalikat ng Amerika ang kinakailangang responsibilidad, ihaharap sa lalong madaling panahon ang konkretong patakaran at hakbangin sa pagbabawas ng emisyon, at ipapatupad ang pangako sa pagkakaloob ng pondo.
Salin: Vera
Pulido: Rhio