Kalakalang Sino-ASEAN sa 2021, lilikha ng bagong rekord

2021-11-26 10:06:56  CMG
Share with:

Noong unang sampung buwan ng taong 2021, umabot na sa US$703.3 bilyon ang halaga ng kalakalan ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), na mas mataas ng 30% kumpara sa gayunding panahon ng taong 2020. Bunga nito, inaasahang makakalikha ng bagong rekord ang kalakalang Sino-ASEAN sa 2021.

 

Ito ang winika ni Shu Jueting, Tagapagsalita ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, sa regular na preskon, nitong Huwebes, Nobyembre 25, 2021.

 

Ngayong taon ay ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong pandiyalogo o dialogue relations ng Tsina’t ASEAN. Sa okasyog ito, iniangat kamakailan ng dalawang panig ang ugnayan nito sa komprehensibong estratehikong partnership.

 

Ani Shu, nitong tatlong dekadang nakalipas, walang humpay na lumalalim ang pagtutulungang pangkabuhaya’t pangkalakalang Sino-ASEAN. Noong 1991, wala pang US$8 bilyon ang bilateral na kalakalan, at noong 2020 naman, lumobo ito sa US$684.6 na bilyon, na lumaki ng mahigit 80 beses.

 

Mula 2009, 12 taong singkad na nagsisilbing pinakamalaking trade partner ng ASEAN ang Tsina, samantala, noong 2020, sa kauna-unahang pagkakataon, ang ASEAN ay naging pinakamalaking trade partner ng Tsina, dagdag pa ng tagapagsalitang Tsino.

 

Higit pa rito, lumalago rin ani Shu ang kooperasyong pampamumuhunan ng Tsina’t ASEAN at nagsisilbi ang magkabilang panig bilang mahalagang pinagmumulan ng puhunang dayuhan ng isa’t isa. Hanggang sa kasalukuyan, umabot sa humigit-kumulang US$300 bilyon ang two-way na puhunan sa pagitan ng Tsina’t ASEAN.

 

Saad pa ni Shu, sa hinaharap, magkasamang ilulunsad ng magkabilang panig ang konstruksyon ng China-ASEAN Free Trade Area (CAFTA) Version 3.0, at magkakapit-bisig para itatag ang inklusibo, moderno, komprehensibo at may mutuwal na kapakinabangang relasyong pangkabuhaya’t pangkalakalan, para itatag ang komunidad ng Tsina’t ASEAN na may pinagbabahaginang kinabukasan.

 

Salin: Jade

Pulido: Mac 

Please select the login method