Idaraos sa Nanning, Guangxi ng Tsina ang Ika-17 CAEXPO simula Nobyembre 27 hanggang 30, 2020.
Taunang sumasali ang Pilipinas sa China-ASEAN Expo (CAEXPO) mula noong 2004. At ngayong 2020, sa kabila ng mga hamong likha ng pandemiya ng COVID-19 muling lalahok ang Pilipinas sa ekspo.
Sa panayam ng China Media Group (CMG) Filipino Service, ibinahagi ni Consul General to Guangzhou Marshall Louis Alferez, “Ang pagsagawa ng CAEXPO sa gitna ng pandemiya ay isang magandang sinyales sa muling pagbubukas at pagsigla ng kalakal(an) sa rehiyon.”
Si ConGen Marshall Louis Alferez
Sa loob ng 17 taon, markado ang papel na ginampanan ng CAEXPO sa galaw ng ekonomiya ng mga bansa sa rehiyon. Ani Alferez, “Ang CAEXPO ay naging isa sa mga instrumento sa pagkakaroon ng China-ASEAN Free Trade Area o CAFTA. Ang CAFTA ay nabuo upang mas mapalapit ang ugnayan at kooperasyon ng ASEAN at China, at ng ating rehiyon, mapalago ang ating pangangalakal, makapagbahagi ng mga best practices at oportunidad para sa prosperidad ng ating mga bansa at sambayanan, at higit sa lahat, i-sustain ang positibong momentum sa economic growth sa ating rehiyon.”
Noong 2019 CAEXPO, mahigit US$12 milyon ang kinita ng Pilipinas. At umabot sa 1,830 ang nakuhang trade inquiries.
Puno ng Delegasyong Pilipino sa 16th CAEXPO Undersecretary Abdulgani M. Macatoman ng Department of Trade and Industry kasama si Consul General Marshall Louis M. Alferez ng Philippine Consulate General in Guangzhou at ang mga delegado at mga exhibitors sa pabilyon ng Pilipinas
Ayon kay Alferez, sa kasalukuyan, ang Cavendish bananas, pinya at mga lamang-dagat ang nangungunang export ng Pilipinas sa Tsina. Nakapasok na rin sa merkado ang fresh young coconuts o buko at ang Hass avocado. Aniya, “Ito ay malaking karagdagan sa ating fresh fruit basket export sa China at inaasahang makapagbibigay ito ng positibong boost para sa ating sektor ng agrikultura.”
Ngayong taon, itatampok sa Commodity Pavilion ng Pilipinas ang mga kumpanyang Pilipino na may subsidiaries sa Tsina. Ani Alferez,“Ang ating Commodity Pavilion ay magkakaroon ng ‘healthy, natural’ theme.”
Bunsod ng mga hakbangin sa pag-iingat sa COVID-19, isasagawa sa Ika-17 CAEXPO ang on-site exhibition at online promotion. Ibinahagi rin ni Alferez,“Ngayong taon, magkakaroon ng made-in-ASEAN zones, Belt and Road Initiative (BRI) International Pavilion at dedicated zone para sa Guangdong-Hong Kong-Macao Greater Bay Area (GBA). Inaasahan din ang mas malawak na zone para sa New International Land-Sea Trade Corridor at magkakaroon din ng promotional conference ukol sa China (Guangxi) Pilot Free Trade Zone.”
Saad din niya, “Dahil sa pandemiya at limitadong partisipasyon ngayong taon, umaasa pa rin tayo na mananatili ang Pilipinas sa kaisipan ng mga Chinese businesses at investors. Sa pagbabalik ng global trade sa mga susunod na taon, inaasahan natin ang mas masiglang pakikipag-ugnayan at kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at China para sa ikabubuti ng Pilipinas at ng sambayanang Pilipino.”
Paglahok ng Pilipinas sa promo, business matching at iba pang mga event sa mga nakaraang CAEXPO
Ulat: Mac Ramos
Edit: Jade
Larawan: Kunsulado Heneral ng Pilipinas sa Guangzhou