Sa kanilang pag-usap sa telepono, Martes, Disyembre 21, 2021, napagkasunduan nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at bagong Chancellor Olaf Scholz ng Alemanya na magkasamang magsikap para i-angat sa bagong antas ang komprehensibong estratehikong partnership na Sino-Aleman.
Sinang-ayunan ng dalawang lider na pasulungin ang panlahat na relasyong Sino-Aleman sa estratehikong pananaw, batay sa diwa ng paggagalangan at pagtitiwalaan.
Anila, ang mainam na pag-unland ng bilateral na ugnayan ay angkop sa interes ng mga mamamayan ng dalawang bansa, at makakabuti rin ito sa kapayapaan at katatagan ng daigdig.
Nakahanda anila ang Tsina’t Alemanya na pagyamanin ang pragmatikong pagtutulungang may mutuwal na kapakinabangan sa iba’t ibang larangan.
Kinikilala rin ng dalawang lider ang mabungang pag-unlad ng relasyong pangkabuhaya’t pangkalakalan ng Tsina’t Alemanya. Sasamantalahin anila ang ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa sa taong 2022 para ibayo pang payabungin ang kooperasyon sa malinis na enerhiya, digital economy, berdeng kabuhayan, service sector, at iba pa.
Ayon kina Xi at Scholz, magkakapit-bisig ang Tsina’t Alemanya para tugunan ang mga hamon ng daigdig at magbigay ng bagong ambag sa pangangasiwa sa daigdig.
Pinahahalagahan nila ang buong-tatag na pagtutulungan ng dalawang bansa sa pakikibaka laban sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) at pagbabago sa klima, at ang mahigpit na komunikasyon sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig na gaya ng isyu ng Afghanistan at isyung nuklear ng Iran.
Patuloy anilang magpapalitan at magtutulungan ang dalawang bansa para magkaloob ng praktikal na kalutasan kaugnay ng muling paglago ng kabuhayang pandaigdig pagkatapos ng pandemiya ng COVID-19, pantay na pamamahagi ng bakuna kontra COVID-19, pagbabago ng klima, pagpapahupa ng karalitaan, sustenableng pag-unlad, at iba pa.
Salin/patnugot: Jade
Pulido: Rhio