Talumpating pambagong taon ni Xi Jinping para sa 2022

2021-12-31 19:53:48  CMG
Share with:

Talumpating pambagong taon ni Xi Jinping para sa 2022_fororder_1640951143988_290

Sa bisperas ng bagong taong 2022, sa pamamagitan ng China Media Group (CMG) at internet, bumigkas si Pangulong Xi Jinping ng Tsina ng talumpating pambagong taon. Narito ang buong teksto ng talumpati.

 

 

Mga kasamahan at kaibigan, mga binibini at ginoo:

 

Magandang araw sa inyong lahat! Darating na ang bagong taong 2022, mula sa Beijing, ipinapaabot ko ang bating pambagong taon sa inyong lahat.

 

Mahalaga ang lumipas na taong 2021. Naganap ang malalaking pangyayari sa kasaysayan sa kapwa partido at estado ng Tsina. Sa harap ng mga target na itinakda para sa sentenaryo ng partido at estado, nagsisikap ang Tsina para sa dakilang pag-ahon ng nasyong Tsino, at sinimulan din ang bagong usapin ng konstruksyon ng sosyalistang modernong bansa.

 

Abalang-abala ang lahat ng mga tao mula sa simula hanggang sa pagtatapos ng taon, sa mga bukirin, bahay-kalakal, komunidad, paaralan, ospital, kampong militar, instituto ng pananaliksik, at iba pa. Marami ang isinakripisyo, ini-ambag, at natamo. Samantala, ipinakita namin sa inyo ang isang malakas at masaganang Tsina, mga masipag na mamamayang Tsino, at aming mga mithiing ipinagpapatuloy sa hene-henerasyon.

 

Noong Hulyo 1 ng taong ito, maringal na ipinagdiwang ng mga Tsino ang ika-100 anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Tsina (CPC). Noong panahong iyon, tumayo ako sa Tian'anmen rostrum, at binalik-tanaw ang kasaysayan. Nitong nakalipas na 100 taon, pinamumunuan ng CPC ang milyun-milyong Tsino na walang humpay na nagpunyagi para pagtagumpayan ang iba't ibang uri ng kahirapan, at isakatuparan ang dakilang kasaysayan ng isang sentenaryong gulang na partido. Hindi dapat kalimutan ang sinimulang hangarin, para makaabot sa pinal na target. Patuloy nating ibubuhos ang pinakamalaking pagsisikap, at upang hindi pagsisihan ang kasaysayan, panahon, at mga mamamayan.

 

Sa ika-6 na sesyong plenaryo ng ika-19 na Komite Sentral ng CPC, pinagtibay ang ika-3 resolusyon ng partido tungkol sa mga isyung pangkasaysayan. Maraming tagumpay ang natamo nitong nakalipas na 100 taon, at marami ring karanasan ang dapat pulutin. Mula sa dating pag-uusap nina Chairman Mao Zedong at Ginoong Huang Yanpei sa Yan'an, Shaanxi, nalaman kong dapat lakas-loob nating baguhin ang sarili, para hawakan ang tunguhin ng kasaysayan. Hindi madaling maisasakatuparan sa maikling panahon ang pag-ahon ng nasyong Tsino. Dapat itakda natin ang pangmalayuang pananaw, laging ihanda para sa mga kahirapan, panatilihin ang determinasyon at tiyaga, at gawin ang pinakamalaking pagsisikap para matamo ang kahit pinakamaliit na bunga.

 

Bilang isang napakalaking bansa, napakarami ng iba't ibang suliranin ng Tsina. Pero, ang lahat ng mga suliranin ay may kinalaman sa kada pamilya. Sa taong ito, pinuntahan ko ang maraming lugar, sinuri ang maraming bagay, at inalam ang iba't ibang kalagayan. Lubos kong pinahahalagahan ang kahirapan ng bawat pamilya at ipinarating ng bawat mamamayan.

 

Dapat ilagay natin sa isip ang mga pagkabahala ng mga mamamayan, at tupdin ang kanilang mga hangarin. Galing sa kanayunan din ako, at iniwan ng karalitaan ang malalim na impresyon sa akin. Sa pamamagitan ng hene-henerasyong pagsisikap, natugunan ngayon ang pangangailangan ng lahat ng mga tao sa pagkain, damit, edukasyon, pabahay, serbisyong medikal, at iba pa. Ang pagsasakatuparan ng may kaginhawahang lipunan sa mataas na antas at pagpawi ng karalitaan ay mga tungkuling isinasabalikat ng CPC para sa mga mamamayang Tsino, at ang mga ito ay ambag din namin para sa buong daigdig. Hindi dapat tayo humimlay sa mga natamong tagumpay, dahil marami pang bagay ang kailangan tayong gawin sa hinaharap.

 

Ang katahimikan ng Yellow River ay hinahangad ng mga Tsino sa libu-libong taon. Para rito, nitong ilang taong nakalipas, naglakbay-suri ako sa lahat ng 9 na lalawigan at rehiyong awtonomo sa kahabaan ng naturang ilog. Tuwang-tuwa akong makita ang mabuting kapaligiran sa iba’t ibang lugar ng Yellow River, Yangtze River, Qinghai Lake, Yarlung Zangbo River, mga kanal na naghahatid ng tubig mula sa katimugan pahilaga ng bansa, Saihanban forest farm, lalawigang Yunnan kung saan nagkaroon ng masayang paglalakbay ang mga mailap na elepante, at Qinghai-Tibet Plateau kung saan lumipat ang mga Tibetan antelope sa iba't ibang pook. Kung pangangalagaan natin ang kalikasan, gagantimpalaan naman tayo ng kalikasan.

 

Sa taong ito, hindi ko nakakalimutan ang mga pananalitang gaya ng "magsisikap ako para sa malakas na bansa," at "ang aking pagmamahal ay para lamang sa Tsina." Hindi ko nakakalimutan ang mga sandaling lumapag ang Zhurong rover sa Mars, lumipad ang Xihe satellite sa Araw, at umiikod ang Tianhe space station core module sa planetang Mundo. Hindi ko rin nakakalimutan ang mga kuwento, na buong sikap na nakipagpaligsahan ang mga manlalaro, buong lakas na lumaban ang mga tao sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), nagtulungan ang mga tao para iligtas ang tahanan sa kalamidad, at ipinagtanggol ang bansa ng mga kawal ng People's Liberation Army at People's Armed Police. Ang pagpupunyagi ng lahat ng mga karaniwang bayani ay bumubuo ng lakas na tagapagpasulong sa pag-unlad ng Tsina.

 

Laging pinahahalagahan ng inangbayan ang kasaganaan at katatagan ng Hong Kong at Macao. Kung magkakaisa ang lahat at magkakasamang magsisikap, saka lamang matitiyak ang pangmatagalang pagsasagawa ng "Isang Bansa Dalawang Sistema." Samantala, ang ganap na reunipikasyon ng inangbayan ay komong hangarin ng mga kababayan ng magkabilang pampang ng Taiwan Straits. Buong tapat akong umaasang magbubuklod ang lahat, para sa magandang kinabukasan ng nasyong Tsino.

 

Sa taong ito, nakipag-usap ako sa pamamagitan ng telepono at video link sa mga lider ng ibang bansa. Pinapurihan nila ang mga ginawa ng Tsina para labanan ang COVID-19 at ambag ng bansa para sa pagkontrol sa pandemiya sa daigdig. Hanggang sa kasalukuyan, ipinagkaloob na ng Tsina ang 2 bilyong dosis ng bakuna sa mahigit 120 bansa at organisasyong pandaigdig. Dapat magkakasamang harapin ng iba't ibang bansa ang mga kahirapan at palakasin ang pagkakaisa at pagtutulungan, para magbukas ng bagong kabanata ng pagtatatag ng komunidad ng pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan.

 

Paglipas ng mahigit isang buwan, idaraos ang Beijing Winter Olympics at Paralympics. Nais himukin ng mga palarong ito ang paglahok ng mas maraming tao sa ice at snow sports, at ito rin ay isa sa mga layon ng Kilusan ng Olimpiyada. Ihahandog ng Tsina sa daigdig ang kahanga-hangang Winter Olympics at Paralympics. Handang-handa na ang Tsina, para tugunan ang pananabik ng daigdig.

 

Malapit nang tugtugin ang kampana para sa bagong taon. Nagsasabalikat pa rin ng kanilang tungkulin sa kalawakan ang tatlong astronaut na Tsino. Nananatili sa ibayong dagat ang mga Tsino, na kinabibilangan ng mga tauhan ng mga embahada at konsulado, mga manggagawa ng bahay-kalakal na Tsino na nakatalaga sa ibang bansa, at mga estudyante. Marahil ay abalang-abala pa kayo para sa inyong mga pangarap. Ipinaabot ko sa inyo ang matapat na bating pambagong taon.

 

Magkaisa tayo para sa magandang kinabukasan. Nawa'y maging masagana ang bawat bansa, at maging payapa ang pamumuhay ng lahat ng mga mamamayan.

 

Editor: Liu Kai
Pulido at pagbasa: Mac Ramos

Please select the login method