Sangsyon, ginagamit ng Amerika para mapangalagaan ang hegemonistikong katayuan at hangarin ang ilegal na kapakanan—tagapagsalitang Tsino

2022-04-12 16:13:20  CMG
Share with:

Bilang tugon sa komprehensibong sangsyon ng Amerika laban sa Rusya, sinabi nitong Lunes, Abril 11, 2022 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina na bilang tanging “sanctions superpower” sa daigdig, ginagamit ng Amerika ang mga sangsyon para mapangalagaan ang sariling hegemonistikong katayuan, at hangarin ang ilegal na kapakanan.

 

Saad ni Zhao, sapul nang sumiklab ang krisis ng Ukraine, ang walang humpay na pagpapaibayo ng sangsyon ay hindi nakakatulong sa pagpapahupa ng kalagayan, sa halip, nagbubunsod ito ng mas maraming problema sa kalagayan ng pandemiya. Pinakamataas sa kasaysayan ang presyo ng enerhiya ng Europa, at tumataas rin ang presyo ng pagkain at ilang pang-araw-araw na pangangailangan.

 

Tinukoy ni Zhao na sa katwiran ng katarungan, ipinapataw ng Amerika ang mga sangsyon, pero ang tunay na layon nito ay makuha ang di-makatarungang interes sa pamamagitan ng sangsyon. Habang nagpapataw ng mga sangsyon laban sa Rusya, tikis na bumili ang Amerika ng langis mula sa Rusya.

 

Ang mga sangsyon ng Amerika laban sa Cuba, Iran, Venezuela, Afghanistan at iba pang bansa ay malubhang nakapinsala sa pamumuhay ng mga mamamayan at pag-unlad ng kabuhaya’t lipunan ng mga kaukulang bansa, at nagbunsod ng kalamidad sa sangkatauhan, dagdag niya.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Mac