Paglikas ng mga sibilyan mula sa Azovstal Steel Plant, tinalakay ng pangulo ng Ukraine at hepe ng UN

2022-05-05 14:42:18  CMG
Share with:

Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono kay Pangkalahatang Kalihim Antonio Guterres ng United Nations (UN) Miyerkules, Mayo 4, 2022, hiniling ni Pangulong Volodymyr Zelensky ng Ukraine ang patuloy na tulong ng UN sa paglilikas ng mga tauhan sa loob ng Azovstal Steel Plant sa lunsod ng Mariupol.

 

Sinabi ni Zelensky na tapos na ang unang yugto ng paglilikas ng mga sibilyan at nailigtas ang 121 katao.

 

Umaasa aniya siyang patuloy na pasusulungin ng UN ang paglilikas.

 

Bukod dito, hiniling din niya kay Guterres na tumulong sa paglilikas ng lahat ng mga sugatan.

 

Ayon sa ulat ng Ukrinform, pambansang ahensya ng pagbabalita ng Ukraine, mahigit 40 katao ang sugatang nasa malubhang kondisyon sa loob ng planta.

 

Ayon naman sa Ministri ng Depensa ng Rusya kahapon, mula alas otso ng umaga hanggang alas sais ng gabi Mayo 5, 6, 7, 2022 Moscow time, bubuksan ang humanitarian corridor para sa pag-alis ng mga sibilyan mula sa Azovstal Steel Plant.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio