Sa paanyaya ng Pamahalaan ng Timog Korea, dumalo nitong Martes, Mayo 10, 2022 si Wang Qishan, Pangalawang Pangulong Tsino at Espesyal na Kinatawan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, sa inagurasyon ni Yoon Suk-yeol bilang bagong Pangulo ng Timog Korea. Nagtagpo din sila sa Seoul, Kabisera ng Timog Korea.
Inabot muna ni Wang kay Yoon ang pagbati at pangungumusta ni Pangulong Xi ng Tsina. Ipinahayag ni Wang na bilang tugon sa kasalukuyang kalagayang pandaigdig at pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), dapat pahigpitin ang kooperasyon ng Tsina at Timog Korea. Ito aniya ay mahalaga para sa kapakanan ng dalawang bansa, at buong daigdig.
Sinabi pa ni Wang na nakahanda ang panig Tsino na magsikap, kasama ng Timog Korea, para pasulungin ang estratehikong partnership ng dalawang bansa sa bagong antas.
Pinasalamatan naman ni Yoon ang pagbati at pangungumusta ni Pangulong Xi. Sinabi ni Yoon na ang taong 2022 ay ika-20 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Timog Korea at Tsina.
Nakahanda aniya ang Timog Korea na sa pundasyon ng paggagalangan sa isa’t isa, walang humpay na pahihigpitin ang estratehikong pakikipag-ugnayan at pakikipagpalitan sa Tsina sa iba’t ibang antas.
Aniya pa, nakahanda rin ang Timog Korea na palalimin ang aktuwal na kooperasyon sa Tsina sa iba’t ibang larangan at pagkakaibigan sa pagitan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
Umaasa aniya siyang mapapahigpit ng dalawang bansa ang pagkokoordinahan at pag-uugnayan para pasulungin ang pagsasakatuparan ng pangmatagalang kapayapaan, katatagan at kasaganaan sa Korean Peninsula.
Salin: Ernest
Pulido: Mac
Pakikinig ng daigdig sa mas maraming tinig ng Asya, ipinanawagan ni Wang Yi
Wang Yi: Estratehiyang Indo-Pasipiko ng Amerika, di angkop sa kapakanan ng mga bansa ng ASEAN
Ministring Panlabas ng Tsina: Kooperasyon ng mga bansa, hindi para sa pagbuo ng eksklusibong grupo
Komprehensibo’t estratehikong partnership ng Tsina at Serbia, isusulong pa