Nitong nakalipas na mahigit 2 taon, ang pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ay patuloy na nakakaapekto sa offline real economy sa magkakaibang digri.
Sa kalagayan ng pandemiya, malala ang problema ng di-mabiling produktong agrikultural. Pero ang mabilis at masiglang pag-usbong ng pagbebenta sa pamamagitan ng live streaming ay nagsilbing bagong solusyon sa problemang ito.
Sa kasalukuyang buwan, masagana ang ani ng garlic stems sa Sheyang County, Lalawigang Jiangsu sa Silangang Tsina.
Ang garlic stems ay katangi-tanging industriya sa lokalidad, at halos 10,000 hektarya ang kabuuang saklaw ng taniman sa lokalidad. Mabiling mabili rin ito sa ibayong dagat na gaya ng Hapon at Timog Korea.
Dahil sa malawakang pagkalat ng Omicron variant sa bansa, pinahihigpit ng iba’t ibang lugar ang mga hakbangin sa pagpigil at pagkontrol sa pandemiya, kaya ikinabahala ng ilang magsasaka ang pagbebenta.
Sa ilalim ng tulong ng mga boluntaryo, sinubukan ng mga magsasaka ang live streaming. Mga 300 toneladang garlic stems ang ibinenta sa tatlong live streaming events.
Sa kasalukuyan, ang e-commerce ay nagsilbing isa sa mga pangunahing lakas-panulak sa pagpapasigla ng kanayunan ng Tsina, at nabuo ng e-commerce at mga magsasaka ang kompletong industry chain.
Halimbawa, kilalang kilala ang Zigui County ng Lalawigang Hubei sa pagtatanim ng kahel. Noong katapusan ng 2021, lampas sa 8.5 bilyong yuan RMB (mahigit US$ 1.25 bilyon) ang kabuuang halaga ng output ng kahel sa lokalidad.
Kung may 0.6 hektaryang taniman ng kahel ang isang pamilya, at 25,000 kilogram ang output nito, saka lamang aabot sa 200,000 hanggang 300,0000 yuan RMB (US$ 29,440-44,160) ang taunang kita ng naturang pamilya, sa pamamagitan ng pagbebenta ng kahel lang.
Ngayon, may mahigit 2,500 e-commerce company sa Zigui, mahigit 8,200 ang bilang ng mga online store, at lampas sa 60,000 ang kabuuang bilang ng mga tauhang nagtatrabaho sa industrya ng e-commerce, bagay na nakalikha ng bagong pamilihan ng online sales ng kahel sa lokalidad.
Bukod sa mga magsasaka at live stream hosts, aktibong sumasali sa live streaming ang ilang opisyal ng pamahalaang lokal at mga propesor ng unibersidad, para tulungan ang mga magsasaka na ipromote ang mga de-kalidad na produktong agrikultural.
Sapul nang sumiklab ang pandemiya ng COVID-19, ang live stream sales ay nagsisilbing katangi-tanging phenomenon ng konsumo ng Tsina.
Ayon sa datos, noong 2021, umabot sa 2.05 trilyong yuan RMB (US$ 368 bilyon) ang kabuuang halaga ng online sales sa mga kanayunan ng Tsina, at 13.1 trilyong yuan RMB (mahigit US$ 1.9 trilyon) naman ang kabuuang halaga ng online sales ng buong bansa.
Noong unang kuwarter ng 2022, lampas sa 3 trilyong yuan RMB (US$ 441 bilyon) ang kabuuang halaga ng online sales ng buong bansa.
Para sa mga mamimili naman, ang bagong modelo ng konsumo sa pamamagitan ng live streaming ay hindi lamang nagkakaloob ng mas murang produkto, kundi nagbibigay rin ng direktang karanasan ng pagbili ng di kailangang lumabas ng bahay.
Sa No. 1 Central Document sa 2022, unang dokumentong inilalabas ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) kada taon, malinaw na tinukoy nitong dapat himukin ang iba’t ibang lugar na palawakin ang mga industriyang gaya ng e-commerce sa kanayunan, at pasulungin ang malusog at istandardisadong pag-unlad ng pagbebenta ng produktong agrikultural at sideline products sa pamamagitan ng live streaming.
Sa hinaharap, mas mainam na isasama sa industriyang agrikultural ang e-commerce at live stream sales.
Ulat: Vera
Pulido: Mac
Sasakyang de motor na gamit ang bagong enerhiya, nakapagpasigla ng konsumo sa kanayunan
Kanayunan ng Tsina, gumaganda sa ilalim ng estratehiya ng pagpapasigla ng bansa
Kita ng mga taga-nayong Tsino sa unang kuwarter ng 2022, matatag na lumaki
Artikulo ni Xi Jinping hinggil sa agrikultura, kanayunan at mga magsasaka, ilalabas