Bilang paggunita sa Ika-124 na Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas, isang natatanging pagtatanghal ang inihandog ngayong araw, Hunyo 12, 2022 ng Pasuguan ng Pilipinas sa Tsina at National Commission for Culture and the Arts.
Sa kanyang mensahe kaugnay ng okasyong ito, sinabi ni Ginoong Dinno Oblena, Chargé d'Affaires ng Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing, na ito ay pagkakataon upang gunitain ang katapangan at pagmamahal sa bayan ng mga ninuno ng bansa.
Dinno Oblena, Chargé d'Affaires ng Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing
Aniya, ang araw na ito ay pagdiriwang ng katatagan ng kalooban, pag-unlad at pagkakakilanlan bilang mga Pilipino na ipinamalas din 124 na taon na ang nakakaraan.
Nawa’y manatiling buhay sa bawat Pilipino ang alab ng pagkamakabayan at ang pagnanais na maging matiwasay ang bansa, dagdag ni Oblena.
Sinabi pa niyang, ang ipinaglabang kasarinlan, kasama ng pag-ibig sa inangbayan, ang siyang magbibigay lakas sa sama-samang pagsuong at pagdaig sa mga hamong dala ng panibagong bukas.
Sa online event na ginanap kaninang umaga, kinilala rin ang mayamang tradisyon sa panitikan ng Pilipinas, at ang naging papel nito sa pagpapalaganap ng diwang makabayan sa mga Pilipino. Binigkas ng mga diplomata at kawani ng Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing ang sonata ng pambasang bayani na si Dr. Jose Rizal na“To The Philippines.”
Mga diplomata at kawani ng pasuguang naglahad ng “To The Philippines”
Ramon Obusan Folkloric Group
Ang huling bahagi ng palabas ay nagtampok sa mga katutubong sayaw ng Ramon Obusan Folkloric Group tulad ng Bumbuak Tulatog, Polkabal, Jota Isabela at Pilipinas.
Samantala, sa susunod na Sabado, Hunyo 18, 2022 ihahandog naman ng Konsulada Heneral ng Pilipinas sa Xiamen ang Harmony: Philippines-China Friendship in Songs and Lullabies. Magtatanghal sa konsiyerto sina Antonina Mendoza-Oblena, Philippine Consul General to Xiamen and pianist at si Jing Yang, 5-string violinist.
Ulat: Machelle Ramos
Larawan: Machelle Ramos at Jensen Moreno
Patnugot: Jade/Lito