Ayon sa pinakahuling datos na inilabas ngayong araw, Hunyo 15, 2022, ng Pambansang Kawanihan ng Estadistika (NBS) ng Tsina, ipinakikita ng mga pangunahing indicator ng kabuhayang Tsino na mayroong marginal improvement nitong nagdaang Mayo.
Ayon kay Fu Linghui, Tagapagsalita ng NBS, ito ay nangangahulugang unti-unting nalalampasan ng ekonomiya ng bansa ang mga negatibong epektong dulot ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), at nagpapahiwatig ng tunguhin ng pagpapanumbalik.
Fu Linghui, Tagapagsalita ng NBS
Aniya, bunga ng mga isinasagawang patakaran at hakbangin para patatagin ang puhunan at pasiglahin ang konsumo noong unang limang buwan ng 2022, tumaas ng 6.2% ang puhunan sa di-natitinag na ari-arian o fixed-asset kumpara sa gayunding panahon ng taong 2021.
Samantala, bumaba lamang ng 6.7% ang halaga ng tingian o retail sales nitong nagdaang Mayo kung ihahambing sa mas mababang 11.1% nitong nagdaang Abril.
Kasabay nito, ang produksyong industriyal o industrial output ay lumaki ng 0.7% nitong nagdaang Mayo makaraang bumaba ng 2.9% nitong nagdaang Abril.
Kontra pagtaya, pumalo sa 15.3% ang pagluluwas ng Tsina nitong nagdaang Mayo kumpara sa gayunding panahon ng taong 2021.
Ito ay bunga ng muling pagsisimula ng operasyon ng mga pabrika at pagpapahupa sa mga sagabal sa lohistika.
Samantala, ang unemployment rate sa mga siyudad sa buong Tsina ay bumaba sa 5.9% nitong nagdaang Mayo mula sa 6.1% nitong nagdaang Abril.
Sa kabila ng naturang magandang tunguhin, nahaharap pa rin ang pagpapanumbalik ng kabuhayan ng Tsina sa maraming kahirapan at hamon, dagdag ni Fu.
Salin: Jade
Pulido: Rhio