Sa pamamagitan ng video link, dumalo at bumigkas ng talumpati Miyerkules gabi, Hunyo 22, 2022 si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa seremonya ng pagbubukas ng BRICS (Brazil, Russia, India, China, South Africa) Business Forum.
Tinukoy ni Xi na kasabay ng pagbabago ng situwasyong pandaigdig at patuloy na paglaganap ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), lumilitaw ang iba’t-ibang uri ng hamong panseguridad, naghihikahos ang pag-ahon ng kabuhayang pandaigdig, at patuloy na lumalabas ang negatibong epekto sa pag-unlad ng buong mundo.
Sa kalagayang ito, ang mga tanong na tulad ng saan pupunta ang daigdig; mananatili ba ang kapayapaan o magkakaroon ng digmaan; tayo ba ay uunlad o masasadlak sa resesyon; magkakaroon ba ng pagbubukas o pagsasara; at lalakas ba ang kooperasyon o uusbong ang komprontasyon, ay dapat sagutin ng buong daigdig sa siglong ito, ani Xi.
Ipinagdiinan niya na sa kabila ng pagbabago ng situwasyon sa mundo, hindi nagbabago ang pangkalahatang tunguhing historikal na pagbubukas at kaunlaran, at hindi rin napapalitan ang hangarin ng komunidad ng daigdig sa magkakasamang pagharap sa mga hamon.
Kaugnay nito, iniharap ni Pangulong Xi ang 4 na mungkahi:
Una, pagpapalakas ng pagkakaisa at pagtutulungan para magkakasamang mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan. Napapatunayan aniya ng kasaysayan, na digmaan at sagupaan lamang ang dulot ng hegemonya, bloc politics, at camp confrontation, sa halip na kapayapaan at kaligtasan.
Ikalawa, pagtutulungan ng komunidad ng daigdig para magkakasamang mapasulong ang sustenableng pag-unlad. Dahil sa mga hamon, kasalukuyang apektado ang pag-unlad, at mga 1.2 bilyong populasyon sa halos 70 bansa ay nahaharap sa mga krisis mula sa pandemiya, pagkaing-butil, enerhiya, at pautang. Kaya, nananawagan ang pangulong Tsino para sa pagsasakatuparan ng 2030 Agenda for Sustainable Development ng United Nations (UN) para maitatag ang nagkakaisa, pantay, at balanseng partnership sa buong mundo.
Ikatlo, magkakasamang pagsisikap para maisakatuparan ang kooperasyon at win-win result. Ani Xi, sa kasalukuyang masusing panahon, upang mapagtagumpayan ang krisis, dapat igiit ang pagkakaisa at pagtutulungan. Aniya, paulit-ulit nang napatunayan ng katotohanan na ang pagsasapulitika at pagsa-sandata ng kabuhayang pandaigdig ay nakakapinsala sa lahat.
Ika-apat, paggigiit ng inklusibidad at magkakasamang pagpapalawak sa pagbubukas. Diin ni Xi, ang globalisasyong pangkabuhayan ay di-mahahadlangang historikal na tunguhin. Kaya, ang anumang tangka upang pigilin ang pag-unlad ng iba ay makakapinsala sa sarili sa bandang huli, saad niya.
Ipinagdiinan ni Xi na pagpasok sa kasalukuyang taon, sa harap ng masalimuot at mahigpit na kapaligirang panloob at panlabas, mabuting pinagplanuhan ng Tsina ang pagpigil at pagkontrol sa pandemiya at pag-unlad ng kabuhayan at lipunan. Bunga nito, napangangalagaan sa pinakamalaking digri ang kalusugan ng mga mamamayan, at mabuting napatatag ang pangkalahatang pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng bansa.
Palalakasin ng Tsina ang mga makro-kontrol hakbangin at isasagawa ang mas mabisang aktibidad upang maisakatuparan ang pag-unlad ng kabuhayan at lipunan sa buong taon, dagdag ni Xi.
Kaugnay ng BRICS cooperation mechanism, tinukoy niya na ito ay mahalagang plataporma ng kooperasyon para sa mga bagong-sibol na ekonomiya at umuunlad na bansa.
Dagdag niya, pumasok na sa bagong yugto ng de-kalidad na pag-unlad ang BRICS cooperation.
Umaasa aniya siyang ipagpapatuloy ng mga negosyante ang diwa ng kasipagan at katapangan upang sila ay maging tagapagpasulong sa bukas na kaunlaran, pinuno sa mapanlikhang kaunlaran, at tagapagpakita ng nakamtang kaunlaran.
Sa pormang online at offline, idinaos sa Beijing Hunyo 22 ang 2022 BRICS Business Forum na dinaluhan ng mga ministro ng kabuhayan at kalakalan, diplomata, at halos 1,000 representante mula sa sirkulong industriyal at komersyal ng mga bansang BRICS.
Salin: Lito
Pulido: Rhio