Nag-usap sa telepono ngayong umaga, Hulyo 5, 2022 sina Liu He, Pangalawang Premyer Tsino, at Janet Yellen, Kalihim ng Tesorerya ng Amerika, para magpalitan ng palagay hinggil sa mga isyu na gaya ng kalagayan ng macro-economy, at katatagan ng pandaigdigang supply chain ng mga industriya.
Kapwa ipinalalagay nila na mahalaga ang pagpapahigpit ng pag-uugnayan at pagkokoordinahan ng dalawang bansa hinggil sa mga patakaran para sa macro-economy.
Ipinalalagay din nilang ang magkasamang pangangalaga sa katatagan ng pandaigdigang supply chain ng mga industriya ay nakakabuti sa dalawang bansa at buong daigdig.
Ipinahayag ni Liu na binibigyang-pansin ng Tsina ang plano ng Amerika ng pagkansela sa mga sangsyon at karagdagang taripa sa Tsina, at pagkakaroon ng pantay na pakikitungo sa mga bahay-kalakal na Tsino.
Bukod dito, sumang-ayon ang dalawang panig sa pagpapatuloy ng diyalogo at pag-uugnayan.
Salin: Ernest
Pulido: Mac