PBBM, nakipagtagpo kay Wang Yi: matapat na diyalogo, isusulong sa paglutas ng isyu ng South China Sea

2022-07-07 10:27:41  CMG
Share with:

 Nakipagtagpo Miyerkules, Hulyo 6, 2022 sa Palasyo ng Malakanyang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos kay Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina.

 

Ipinahayag ni Pangulong Marcos na umaasa siyang patuloy na susulong ang malawak na kooperasyon ng Pilipinas at Tsina sa mga larangan ng pulitika, kabuhayan, kalakalan, edukasyon at kultura.

 

Pinasalamatan din ni Marcos ang tulong ng Tsina sa pagpuksa sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas at papel na ginagampanan ng Tsina sa pagpapabuti ng imprastruktura sa bansa.

 

Palagi aniyang iginigiit ng Pilipinas ang patakarang Isang Tsina.

 

Ang isyu ng South China Sea ay hindi pangunahing bahagi ng relasyon ng dalawang bansa at nakahanda ang Pilipinas na isagawa ang matapat na pakikipagdiyalogo sa Tsina para hanapin ang mabuting paraan sa paglutas ng nasabing isyu, pahayag ni Marcos.

 Samantala, ipinaabot naman ni Wang kay Pangulong Marcos ang taos-pusong pangungumusta ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina.

 

Kasama ang Pilipinas, handa ang Tsina upang pataasin ang bilateral na relasyon sa bagong antas, aniya.

 

Ipinahayag ni Wang na matatag na kinakatigan ng Tsina ang mga programa ng pamahalaan ni Pangulong Marcos para makatulong sa mabilis na pag-unlad ng Pilipinas at lumikha ng mas malaking kapakanan para sa mga Pilipino.

 

Saad pa ni Wang, sang-ayon ang Tsina sa paninindigan ni Pangulong Marcos na ang anumang hidwaan ay hindi makakaapekto sa mahalagang relasyon ng dalawang panig.

 

Aniya, dapat pahigpitin ng dalawang bansa ang diyalogo at pag-uugnayan para maayos na hawakan ang mga sensatibong isyu at palakasin ang mga kooperasyong pandagat.

 

Nang araw ring iyon, makahiwalay ring kinatagpo si Wang nina Pangalawang Pangulong Sara Duterte-Carpio, National Security Adviser Clarita Carlos, at Secretary Luis Enrique Manalo ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas.


Salin: Ernest

Pulido: Rhio