Prof. Anna Malindog-Uy: IPMDA hindi makabubuti sa rehiyong Asya-Pasipiko

2022-07-08 09:53:54  CMG
Share with:

Mula sa foreign policy na nakatuon sa Gitnang Silangan, ang Amerika sa kasalukuyan ay nakatutok sa Asya-Pasipiko.

Bahagi ng patakarang panlabas na ito ang pagpapalakas ng Quadrilateral Security Dialogue o QUAD  na kinabibilangan ng Amerika, India, Australiya at Hapon.

Ang estratehiyang ito ay ang sagot ng Amerika sa nagbabagong  heopolitikal na konteksto at kapaligiran sa rehiyong Asya-Pasipiko, na itinutulak ng mga mahalagang pagbabago tulad ng pag-ahon ng mga ekonomiya sa Asya na pinangungunahan ng Tsina at  ang di-mapipigilang pag-usbong ng Tsina bilang regional power sa Asya at maging  sa iba pang panig ng mundo.

Sinimulan ni  Prof. Anna Rosario Malindog-Uy ang kanyang presentasyon sa mga puntong ito. Inanyayahan ang Propesor ng Political Science, International Relations, Southeast Asia and China Studies  sa katatapos na Security Implications of the Indo-Pacific Maritime Domain Awareness (IPMDA) under the Big Power Competition.

Bahagi ang sub-forum ng 15th Annual Conference of the Academic Community on Political Science and International Relations. Itinaguyod ito ng Institute of International Relations ng Tsinghua University.  Tinipon ng forum ang mga eksperto mula sa iba’ibang larangan upang talakayin ang usapin ng seguridad ng karagatan at heopolitika.

Inilahad din ni Prof. Malindog-Uy na, ang estratehiya ngayon ng Amerika ay may kaugnayan sa pagkilala sa magiging mahalagang papel na gagampanan ng  Asya-Pasipiko sa galaw ng pulitika at ekonomiya sa ika-21 siglo.  Nais gamitin ito ng Amerika para sa sariling kaunlaran at pagpapalawig ng impluwensya sa rehiyon habang iniingatan ang pandaigdigang hegemonya.

Aniya pa, may tatlong nilalaman ang US rebalance to Asia strategy - ekonomiko, diplomatiko at  seguridad na  militar.

Napapaloob  sa seguridad na militar ang alyansang militar sa iba’t ibang bansa sa rehiyon, pagsasagawa ng Freedom of Navigation Operations ng miyembro ng QUAD at ng United Kingdom.  

Ayon kay Prof. Uy,  inilunsad ng QUAD noong Mayo 24, 2022 ang Indo-Pacific Partnership for Maritime Domain Awareness o IPMDA. Layon nitong tumugon sa mga krisis panghumanitaryan, mga kalamidad, at ilegal na pangingisda sa rehiyon. Inanyayahang lumahok ang mga bansa sa rehiyon pwera ang Tsina, saad ni Prof. Uy. Aniya, ang naturang maritime surveillance initiative ay ginawa para labanan, pigilan at alamin ang galaw ng Tsina sa karagatan at mga aktibidad nito sa rehiyon.

Sa kaniyang presentasyon, nabanggit din ni Prof. Uy na ang IPMDA ay di lamang tangkang i-isolate o ihiwalay ang Tsina, kundi ito ay  tangka rin para ipinta ang Tsina bilang “kaaway.”

Resulta  nito aniya pa ang pagkabahala ng mga bansang gaya ng Pilipinas, Malaysia, Vietnam, Indonesia at Singapore na maipit sa gitna at mapwersang  pumili ng  kakampihan sa pagitan ng Tsina o Amerika, na taliwas sa paninindigan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) bilang  sona ng kapayapaan at sona ng kalayaan at walang-pinapanigan.

Naniniwala rin si Prof. Uy na  paiigtingin ng IPMDA ang tensyon sa pagitan ng QUAD at Tsina. Palalalain nito ang di na magandang ugnayan ng Amerika at Tsina.  May panganib ding lumikha ito ng dibisyon sa mga bansa sa Asya.

Sa kanyang pagtatapos, ang tunggaliang ito sa pagitan ng malalakas na bansang Amerika at Tsina ay isa sa pinakamalaking ikinababahala ng mga bansang Asyano na gaya ng Pilipinas. Nawa, makamit ng naturang makapangyarihang  mga bansa ang ugnayang  may  pagkakasundo at kapayapaan.

Dagdag niya ang IPMDA na nakatuon sa pag-isolate sa Tsina ay hindi makakabuti sa mga bansang Asyano. Kailangan ngayon ng Pilipinas at mga  bansa sa rehiyon na  bumangon sa epekto ng pandemya at tugunan ang epekto ng krisis sa Ukraine ani Prof. Uy.

Palalalain lang  ng IPMDA  ang tunggalian, kumpetisyon at  cold war atmosphere.

Dapat bigyang halaga ng mga  bansa sa rehiyong Asya-Pasipiko ang komong mga interest, hanapin ang middle ground sa  mga pinaghihidwaang interes, hanapin ang win-win cooperation sa mga usapin sa karagatan, konektibidad ng rehiyon, pagtugon sa pandemya,  kooperasyon sa ekonomiya at kalakalan, pagtugon sa pagbabago ng klima, krisis sa enerhiya na kinakaharap ng buong mundo sa kasalukuyan.

Sinabi rin ni Prof. Uy na dapat itakwil ang unilateralismo, ang paglikha ng mga grupo, sa halip, dapat ay magtulungan para sa kapayapaan, katatagan at kaunlaran sa Asya at sa buong daigdig.

Kinakailangan din ng mga bansa sa Asya-Pasipiko ang mga kasunduan sa fishery management, kooperasyon sa kalikasan, magkasanib na paggagalugad sa oil and gas, pamamatrolya, at marami pang iba.

Ang lahat ng ito saad ni Prof. Uy ang pinakapragmatiko at madaling isagawang paraan upang mapahupa ang tensyon, hidwaan at di pagkakaunawaan  sa pagitan ng mga bansa sa rehiyon ng Asya-Pasipiko.


Ulat: Machelle Ramos

Patnugot sa nilalaman: Jade/Mac

Patnugot sa website: Jade