HARMONY: Philippine-China Friendship in Love Songs and Lullabies, itatanghal sa Hunyo 18

2022-06-16 09:13:04  CMG
Share with:

 

Sa darating na Sabado Hunyo 18, 2022 isang online concert ang mapapanood, hatid ng Philippine Consulate General in Xiamen.

 

Pinamagatang“Harmony,” hangad nitong paigtingin ang mga kultural na koneksyon sa pagitan ng Tsina, partikular na sa  Fujian, at ng Pilipinas.

 

Sa panayam ng China Media Group Filipino Service, sinabi ni Consul General Maria Antonina Mendoza-Oblena, “Ang musika ang pinakamagandang instrumento para ipakilala ang mga kultural na koneksyon ng Pilipinas at Fujian. Ito ay dahil ang Xiamen ay isang kanlungan para sa musika.”  



Consul General Maria Antonina Mendoza-Oblena

 

Saad pa niya, ang mga piyesang napili ay nagtatampok sa pagkakatulad ng kultura at pagkatao ng mga Filipino at Tsino. Kabilang dito ang pagpapahalaga sa pamilya, pagkakaibigan at pag-ibig.

 

Batay rito ang  buong pamagat ng palabas na“HARMONY: Philippine-China Friendship in Love Songs and Lullabies.”  

 

Paliwanag ni ConGen Mendoza-Oblena, “Ang mga kanta at piyesa ay mula sa Filipino (Noturno at Nahan), at mga Tsino (Waves of Gulangyu at The Moon Represents My Heart). Mayroon din isang piyesa mula sa western classical composer.”


 

Magtatanghal bilang pianist si ConGen Mendoza-Oblena kasama si Jing Yang bilang 5-string violinist.  Pareho silang may pormal na pagsasanay sa klasikal na musika.


Sina ConGen Mendoza-Oblena (nakaupo)  kasama si Jing Yang (nakatayo)

 

Ipinahayag din ni ConGen Mendoza-Oblena na isang malaking karangalan para sa Konsulado Heneral ang pagpayag ni Jing Yang, isang  world-class na violinist, para maging bahagi ng konsiyerto.  At naisakatuparan ang kanyang pagpayag sa tulong ni  Bong Antivola, isang lider ng Filipino Community sa Xiamen. 


Si Jing Yang


Dapat ding abangan ng mga manonood ang isang bahagi ng online concert --ang  isang music video na kuha mula sa islang Gulangyu, na binansagan ding "Piano Island." Ang Gulangyu ay isa sa mga World Heritage Site ng Tsina.

 

Ang Harmony concert ay bahagi ng pagdiriwang ng Ika-124 na Anibersaryo ng Deklarasyon ng Kalayaan ng Pilipinas,  ika-47 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Relasyong Diplomatiko ng Pilipinas at Tsina noong Hunyo 9, 2022 at  ang ika-21 Filipino-Chinese Friendship Day, na naganap din noong Hunyo 9.


Paki-scan ang QR code para mapanood ang konsiyerto

 

Ang tema ng Kalayaan 2022 ay“Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas.”

 

Hinggil dito, ipinahayag ni ConGen Mendoza-Oblena, “Akmang-akma ang tema ng Kalayaan 2022, lalo na para sa mga Pilipinong nakabase sa China. Sila ang una sa lahat ng mga OFW sa buong mundo na naapektuhan ng pandemya, at hanggang ngayon ay apektado pa rin ang kanilang buhay. Ang panawagan na sumuong sa hamon ng hinaharap ay isang angkop na paalala at panawagan para sa mga Pilipino sa Tsina na patuloy na manatiling matatag. Ang pagiging matatag ay isang katangiang kilala sa mga Pilipino sa buong mundo.”  

 

Samantala, sa malapit na hinaharap, nilalayon ng Konsulado Heneral ng Pilipinas sa Xiamen na ipagpatuloy ang tungkulin nitong ipalaganap ang kulturang Pilipino sa lalagiwang Fujian at lalawigang Jiangxi sa pamamagitan ng iba't ibang publikasyon na nagtatampok sa mga institusyon at istruktura ng Pilipinas sa naturang dalawang probinsya.

 

Aktibo rin itong sasali sa iba't ibang economic forum at iba pang programang pangungunahan ng host government tulad ng China International Fair for Investment and Trade (CIFIT) sa darating na Setyembre. Sisikapin din ng konsulado na  mag-organisa ng mga Philippine Investment Forum sa Fujian at Jiangxi.

 

Ngayong bukas na ang Pilipinas para sa mga biyaherong Tsino, handang-handa na rin ang Konsulado Heneral na tulungan ang mga kliyenteng Tsino at Pilipino para sa kanilang mga pangkonsular na pangangailangan. At panghuli, ang pintuan ng Konsulado Heneral ay palaging bukas para sa  mga kababayan na nangangailangan ng tulong. 


Ulat ni Machelle Ramos

Patnugot: Jade/Mac

Larawan: Kuha ni Mr. Ianne Hernandez para sa Philippine Consulate General in Xiamen