Op-Ed: NATO, hindi angkop sa Asya

2022-07-22 14:52:23  CMG
Share with:

Sa kasalukuyan, ang modelo ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) ay naging pangunahing pagpili ng patakarang panlabas ng Amerika para lutasin ang mga isyung panrehiyon.


Mula Hulyo 13 hanggang 16, dumalaw si Pangulong Joseph Biden ng Amerika sa Israel, Palestina sa gawing kanlurang pampang ng ilog Jordan at Saudi Arabia. Ang target ng pagdalaw ni Biden ay kinabibilangan ng paghimok sa Saudi Arabia na dagdagan ang output ng petrolyo at pagtatatag ng isang mekanismong panseguridad sa rehiyong Gitnang Silangan na katulad ng NATO para harapin ang isyung nuclear ng Iran.


Sa katapusan ng byahe, hindi inayunan ng Saudi Arabia ang anumang plano ng Amerika. Higit pa rito, ipinahayag ng bansang ito na ipagpapatuloy at kusang pananatilihin ang normal na relasyon sa ibang mga bansa na gaya ng Rusya at Tsina.


Hindi ito ang unang beses na pagkabigo ng Amerika sa pagpapalaganap ng modelo ng NATO sa ibang rehiyon ng daigdig. Sa katatapos na espesyal na Summit ng Amerika at ASEAN noong nagdaang Mayo sa Washington D.C., tumanggi ang mga bansang ASEAN na sumama sa Amerika para pigilan ang pagpapalawig ng impluwensiya ng Tsina sa rehiyong ito.


Kung mabuting titingnan, mukhang nais itatag ng Amerika ang di-umano’y mekanismo ng seguridad. Sa katotohanan, ang mga ginagawa ng Amerika ay tangka para maghasik ng komprontasyon sa pagitan ng mga bansa, at paigtingin ang tensyon sa rehiyon. Hindi ito angkop sa pangangailangan ng Asya.


Sa madaling salita, ang kasalukuyang pangunahing gawain para sa mga bansang Asyano ay pagbangon ng pambansang kabuhayan at lipunan pagkatapos ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).


Walang duda, ang isyu ng pag-unlad ng anumang bansa ay nangangailangan ng ligtas na kapaligirang panloob. Pero papaano maitatatag ang isang ligtas na kapaligiran? Ang isa sa mga sagot ay Global Security Initiative na iniharap ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa katatapos na taunang Boao Forum for Asia (BFA) na idinaos noong Abril sa Boao ng lalawigang Hainan ng Tsina.


Ang nasabing initiative ay kinabibilangan ng 6 na aspekto: paggigiit sa komon, komprehensibo, kooperatibo at sustenableng seguridad; paggigiit sa paggalang sa soberanya at kabuuan ng teritoryo ng iba’t ibang bansa; paggigiit sa mga simulain ng Karta ng United Nations (UN); paggigiit sa pagpapahalaga ng makatwirang pagkabahalang panseguridad ng iba’t ibang bansa; paggigiit sa pagresolba sa mga pagkakaiba at alitan ng mga bansa, sa pamamagitan ng diyalogo, negosasyon at mapayapang paraan; at paggigiit sa koordinadong pangangalaga sa seguridad sa kapuwa tradisyonal at di-tradisyonal na larangan.


Bilang tanging superpower sa mundo at lider ng NATO, pinakamalakas na kowalisyong militar sa daigdig, hindi sumang-ayon ang Amerika sa paninindigang Tsino. Sa Europa, aktibong pinasusulong ng Amerika ang ekspansyon ng NATO pasilangan. Ito ang pangunahing dahilan ng pagsiklab ng sagupaan ng Rusya at Ukraine. Ang sagupaang ito ay hindi lamang nakapinsala sa kabuhayan ng Europa at pamumuhay ng mga residenteng lokal, kundi nakakaapekto sa ibang mga bansa sa labas ng Europa, halimbawa ang isyu ng pagtaas ng presyo ng petrolyo sa Pilipinas.


Kaugnay ng Quadrilateral Security Dialogue (QUAD) na binubuo ng Amerika, Hapon, India at Australia, sa katotohanan, walang anumang kasaping bansa ng QUAD ang tunay na nagpapahalaga ng kapayapaan ng Asya. Halimbawa, umaasa ang Hapon na maisasakatuparan ang normalisasyong militar sa pamamagitan ng QUAD. Ang normalisasyong militar ng Hapon ay nangangailangan ng pagsusog sa konstitusyon ng Hapon hinggil sa limitasyon ng paglulunsad ng digmaan. Sa katotohanan, ang tanging target ng QUAD ay nakatuon sa pagpigil sa pag-unlad ng Tsina, maliban dito, walang anumang aktuwal na kooperasyon ang isinasagawa sa ilalim ng balangkas ng QUAD para makabuti sa kapayapaan at kaunlaran ng Asya.


Tinukoy ni Pangulong Xi ng Tsina sa pulong ng mga ministrong panlabas ng BRICS (Brazil, Russia, India, China at South Africa) na ang kasaysayan at katotohanan ay nagpapatunay na kung unilateral na hahanapin ng isang bansa ang sariling seguridad sa kapakanan ng  seguridad ng iba, magbubunga lamang ito ng bagong hamon at hidwaan. Ang sagupaan sa pagitan ng Rusya at Ukraine ay isang bagong halimbawa nito. Kaya tumanggi ang karamihan ng mga bansang Asyano sa paglahok sa mga aksyon ng Amerika.


Noong nakaraang ilampung taon, nananatiling matatag ang kalagayan sa Asya at sustenableng umuunlad ang kabuhayan ng rehiyong ito. Sa kasalukuyan, ang Asya ay naging pangunahing puwersa sa pagpapasulong ng kabuhayang pandaigdig.


Kaya hindi kailangan ng Asya ang modelo ng NATO.

Sulat: Ernest

Pulido: Mac/Jade