Ekonomiya, seguridad sa pagkain, kalusugan at edukasyon: pokus ng unang SONA ni PBBM

2022-07-29 16:22:30  CMG
Share with:

Sa kanyang kauna-unahang Ulat sa Bayan o State-of-the Nation Address (SONA) na inihayag sa harap ng mahigit 1,300 mambabatas, opisyal ng gobyerno, diplomata, media, at iba pang panauhin sa Batasang Pambansa, Hulyo 25, 2022, inilahad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mahahalagang plano at solusyon ng kanyang administrasyon sa mga hamong kasalukuyang kinakaharap ng Sambayanang Pilipino.

Sa mga ito, ang mga usaping gaya ng muling pagbangon ng ekonomiya, pagpapalakas ng seguridad sa pagkain, pagpapabuti ng serbisyong medikal, at pagsasa-ayos ng sistema ng edukasyon ang kanyang pinakapinagtuunan ng pansin.

Ekonomiya

Sinabi ni Marcos, na isusulong ang maayos na implementasyon ng piskal na pamamahala, tulad ng reporma, pagpapasimple at modernisasyon sa administrasyon ng buwis upang tumaas ang koleksyon ng kita at makaagapay sa mga pag-unlad sa didyital na ekonomiya, kasama na ang pagpapataw ng Value Added Tax sa mga digital service provider.

“Ang inisyal na resulta ay inaasahang aabot sa mga Php11.7 bilyon sa taong 2023,” saad ni Marcos.

Aniya pa, isasa-ayos ang priyoridad at patataasin ang episyensya sa paggastos upang kagyat na malunasan ang negatibong epektong dala ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) at maihanda ang bansa sa mga katulad na suliranin sa hinaharap.

Sa pamamagitan naman ng mga batas na gaya ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE), Public Service Act, at Foreign Investments Act, pasusulungin ang pag-akit ng Pilipinas sa mga dayuhang negosyo.

Sinabi pa ni Marcos na ibibigay ng kanyang pamahalaan ang matatag na suporta sa mga ecozone ng bansa upang mahalina ang mga estratehikong industriyang may-kinalaman sa haytek, pangangalagang medikal at kalusugan, at iba pang umuusbong na teknolohiya.

Samantala, ang paggasta ng pamahalaan sa taong 2022 hanggang 2023 para sa mga proyekto at programa ay mananatili aniya sa mahigit 20% ng Gross Domestic Product (GDP) o Php4.955 trilyon at 5.086 trilyon ayon sa pagkakasunod.

Ito aniya ay upang maisiguradong magpapatuloy ang implementasyon ng mga priyoridad na programang makakabuti sa buhay ng mga Pilipino.

“Ang paggasta ay patuloy pang tataas sa mga susunod na taon, mula Php5.402 trilyon o 20.7% ng GDP sa 2024 tungo sa Php7.712 trilyon o 20.6% ng GDP sa 2028,” paliwanag ni Marcos.

Kabilang naman sa mga medio-terminong makroekonomiko at piskal na obdiyektibo ng pamahalaang Marcos ay:

· Pagkakamit ng 6.5 hanggang 7.5% real gross domestic product (GDP) sa 2022; at pag-abot sa 6.5 hanggang 8% real GDP kada taon mula 2023 hanggang 2028;

· Pagpapababa sa 9% sa lebel ng kahirapan hanggang 2028;

· Pagpapababa sa 3% ng National Government deficit to GDP ratio hanggang  2028;

· Pagkakamit ng mas mababa pa sa 60% na National Government debt-to-GDP ratio hanggang 2025;

· Pagkakamit ng mga Pilipino ng Gross National Income (GNI) per capita, na nagkakahalaga ng mga $USD4,256 at pag-abot ng Pilipinas sa estado ng upper middle-income na lipunan hanggang 2024.

Diin ni Marcos, sa kabila ng patuloy na pananalasa ng COVID-19 at iba pang hamon, patuloy ang paglaki ng ekonomiya ng Pilipinas, at inaasahang aabot sa pagitan ng 6.5 hanggang 7.5 ang GDP ng bansa sa taong ito.

Sa usapin naman ng implasyon, sinabi ng punong ehekutibo na ito ay inaasahang maglalaro sa 4.5 hanggang 5.5% ngayong taon dahil sa pagtaas ng presyo ng langis  at pagkain na dulot naman ng patuloy na gulo sa pagitan ng Rusya at Ukraine, at pagkaka-antala ng mga kadena ng suplay.

Pero mula 2023, ito aniya ay bahagyang bubuti sa 2.5 to 4.5%, at babalik sa normal na lebel na 2 hanggang 4% sa 2024 hanggang 2028.

Seguridad sa pagkain

Ani Marcos, kabilang sa mga suliraning agarang mararamdaman ay ang posibilidad ng tuluy-tuloy na pagsipa ng presyo ng pagkain at kakulangan sa suplay ng pagkain.

Upang mapanatili ang kapangyarihan sa pagbili ng mga mamamayan, sinabi ni Marcos, na isinapinal ng Department of Agriculture ang plano upang taasan ang produksyon ng pagkain sa susunod na panahon ng pagtatanim, sa pamamagitan ng tulong pinansiyal at teknikal.

“Magbibigay tayo ng pautang, habang mas ilalapit natin sa sektor ng agrikultura ang hindi gaano kamahal na farm input na bibilhin ng bulto ng gobyerno,” anang pangulo. 

Kabilang sa mga farm input na ito ay abono, pestisidyo, mga punla, pakain at patuka, subsidiya sa krudo at langis, at ayuda para sa mga karapat-dapat na benipisyaryo.

Para naman sa pang-matagalang solusyon, “pagtitibayin natin ang tinatawag na value chain na nagsisimula sa mga magsasaka hanggang sa mga namimili,” paliwanag niya.

Samantala, masusing gagabayan ng Department of Agriculture ang pagsasaliksik sa mga makabagong paraan ng pagtatanim at pag-aalaga ng hayop upang mapataas ang produksyon ng pagkain.

Mahigpit din aniyang susuriin ng mga eksperto ang mga pangangailangan ng mga magsasaka sa pagpapalago ng kanilang sakahan, at ang mga ito ay “i-aayon sa mga hamong dala ng climate change at global warming.” 

Sa kabilang dako, ang mga pautang at pinansiyal na ayuda para sa mga magbubukid at mangingisda ay magiging institusyon at patakaran ng administrasyong Marcos, kasabay ng pagbibigay-priyoridad sa modernisasyon ng mga sakahan sa pamamagitan ng mga makabagong teknolohiya.

“Ating palalawakin ang mga palaisdaan, babuyan at manukan,” at “lahat ng ito ay gagamitan ng siyensya para tumaas ang produksyong agrikultural,” aniya pa.

Maging ang post-production at processing ay susuportahan ng pamahalaang Marcos.

Anang pangulo, “gagawa tayo ng national network ng [mga] farm-to-market road upang mas mabilis na mailakbay ng mga magsasaka ang kanilang mga produkto sa mga pamilihan. At gagawa tayo ng mga paraan upang maramdaman ng mga mamimili ang pagluluwag ng presyo ng mga  produktong pagkain sa [abot] kayang halaga, gaya ng muling pagbuhay ng mga Kadiwa Center.”

Pero, binigyang-diin niyang lahat ng nabanggit ay hindi madaliang magagawa, ngunit ang lahat ng hakbang ay sisimulan sa lalong madaling panahon.

Ang produksyon ng pagkain ay may malalim na kaugnayan sa reporma sa lupa, kaya, sinabi ni Marcos na ang agrarian reform program ay dapat magpatuloy.

Ang reporma sa lupa ay hindi lamang tungkol sa pagmamay-ari ng lupang sakahan, kundi hinggil din sa serbisyo ng suporta at distribusyon, kaya upang ito ay maisulong, sinabi ng punong ehekutibo na “maglalabas ako ng utos tagapagpaganap na magpapahintulot sa isang taong moratoryo sa pagpapayad ng amortisasyon at interes sa lupa.

Ang naturang moratoryo aniya ay magbibigay ng kakayahan sa mga magsasaka upang magkaroon ng panggastos sa paglinang ng mga sakahan, pagpapataas ng kapasidad sa pagpoprodyus ng mas maraming pagkain,  at pagpapabilis ng pag-unlad ng Pilipinas.

Upang magtagumpay ang repromang pang-agraryo, sinabi ng pangulo na kailangang magpasa ng batas ang Kongreso, na mag-aamiyenda sa Seksyon 26 ng Republic Act 6657.

“Sa magiging batas na ito, ang mga utang ng mga benepisyaryo ng programang pang-agraryo, kasama na ang hindi nabayarang amortisasyon at interes ay patatawarin,” pahayag ni Marcos.

Kaugnay nito, tinatayang aabot sa mahigit Php58 bilyon ang utang na patatawarin, at mga 654,000 na benepisyaryo ang makikinabang.

Dagdag pa riyan, ang mga benepisyaryong hindi pa nakakatanggap ng lupa ay pagkakalooban ng lupang sakahan, nang walang amortisasyon.

Aniya, sa ngayon ay mayroong mga 52,000 ektarya ng tiwangwang na lupa ng gobyerno ang nakatakdang ipamahagi sa mga

· Walang lupang beterano ng digmaan

· Walang lupang asawa at naulila ng mga beterano ng digmaan

· Walang lupang retirado ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas at Pambansang Polisya ng Pilipinas

Ipinagdiinan pa ni Pangulong Marcos na “kailangan natin ang bagong uri ng mga magsasaka na may-kaalaman sa makabagong teknolohiya ng agrikultura upang lumahok sa pangmatagalang siyentipikong pagsasaka na hindi lamang magpapataas ng ani, kundi magbibigay rin ng tatag sa bansa upang harapin ang pagbabago ng klima.”

Kalusugan

Pahayag ni Marcos, nariyan pa rin ang banta ng COVID-19, “lalo’t may mga nadidiskubreng [mga] bagong variant ang coronavirus. Pero hindi na natin kakayanin ang isa pang lockdown. Wala na tayong gagawing lockdown!”

Pero, ipinagdiinan niyang dapat maayos na balansehin ang kalusugan at kapakanan ng mga mamamayan, at ekonomiya.

Para rito, nakikipagtulungan aniya ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pag-monitor ng situwasyon ng COVID-19 sa mga ospital upang matiyak na may sapat na kapasidad ang sistemang pangkalusugan ng Pilipinas, at maiwasan ang pagsipa ng bilang ng nagkakasakit.

“Patuloy din ang ating vaccine booster rollout para sa ating pangkalahatang depensa,” saad pa ni Marcos.

Sa ganitong paraan, kahit pa tumaas muli ang bilang ng mga kaso ng COVID-19, mananatiling mababa aniya ang bilang ng mga ma-o-ospital at bilang ng mga namamatay. 

“Sa pamamagitan nito, unti-unti rin tayong masasanay na nariyan ang virus pero hindi na seryoso ang banta sa ating buhay,” dagdag pa niya. 

Pahayag ni Marcos, i-aayon ang mga health protocol sa kung ano ang pangangailangan sa paglipas ng panahon at lalo pang pag-iibayuhin ang kooperasyon kasama ang pribadong sektor upang tumaas pa ang kumpyansa ng mga mamumuhunan, nang sa gayon ay bumalik ang Pilipinas sa “full capacity,” lalong-lalo na ang mga negosyo.

Sa kabila ng mga ito, sinabi ni Marcos na mananatili muna sa ngayon ang Alert Level System sa pandemiya, at pag-aaralan ang iba pang paraan ng klasipikasyon upang mas bumagay sa kasalukuyang sitwasyon ang pagbabago ng COVID-19.

Bilang kaantabay ng mga nabanggit, sinabi ng pangulo na umaasa siyang susuportahan ng Kongreso ang pagtatayo ng sariling Center for Disease Control and Prevention at vaccine institute ng Pilipinas.

At upang mailapit ang sistemang pangkalusugan sa taumbayan, inihayag ng pangulo na “maglalagay tayo ng mga clinic, mga Regional Health Unit (RHU) na pupuntahan ng mga doktor, nurse, midwife, medtech; isang beses, dalawang beses sa isang linggo — nang sa gayon, magiging mas madali sa may karamdaman na magpagamot nang hindi na kailangang magbiyahe nang malayo.”

Upang ito ay makamtan, kailangang mayroong magagaling na magagawang propesyunal na pangkalusugan, kaya naman, pagsisikapan aniya ng pamahalaan na pabutihin ang kompensasyon ng mga doktor, nars, at iba pang medical frontliners.

Siyempre, kailangan ding may sapat na suplay ng gamot, kaya sinabi ni Marcos na “sinimulan ko na ang pakikipag-usap sa mga kompanya ng gamot dito sa Pilipinas at sa ibang bansa.  Hinihikayat natin na buksan nila ang merkado upang bumaba ang presyo ng gamot.”

Dagdag niya, “inuutusan ko ang Philippine Competition Commission na pantay-pantay dapat at walang kartel sa hanay ng mga pharmaceutical company. Dahil kapag bukas ang merkado, bababa ang presyo ng gamot para mapakinabangan ng ating mga mamamayan.”

Ito ay isa sa mga mahirap na leksyong natutunan ng Pilipinas nang tumama ang pandemiya, kaya kailangan aniyang aksyonan ang mga pagkukulang.

Samantala, para naman sa mga biktima ng sakuna at naghihikahos sa buhay, sinabi ni Marcos na inatasan na niya ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang pabilisin ang pagtugon sa pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad at iba’t ibang krisis.

Para rito, maagang naglalagak ng mga family food pack at mga non-food essential ang mga Local Government Unit (LGU), bago pa man manalasa ang anumang kalamidad.

“Magdaragdag tayo ng mga operations center, warehouse at imbakan ng relief goods, lalo na sa mga malalayong lugar na mahirap marating,” saad ng pangulo. 

“Titiyakin [din] natin na maayos ang koordinasyon ng DSWD at Department of Human Settlements and Urban Development nang sa ganoon, madali ang pagpapatupad ng Emergency Shelter Assistance program para sa mga biktima ng kahit anong kalamidad,” aniya pa.

Pagtitibayin din aniya ang komprehensibong programang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), para maiparating ang tulong sa mas maraming biktima.

Saad ng pangulo, “hindi natin papahirapan ang mga biktima ng krisis na dudulog sa ahensiya – gagawin nating simple ang proseso ng paghingi at pagpaparating ng tulong.   Dahil hindi naman dapat dinaragdagan pa ang hirap na nararanasan ng ating mga mamamayan.” 

Upang matiyak na mapupunta sa kuwalipikadong mga pamilya ang tulong ng pamahalaan sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), sisiguraduhin nating malilinis ang listahan ng benipisyaryo, dagdag ni Marcos.

Sa ngayon ay nasa mahigit isang milyon na ang naka-graduate sa listahan at nakakatayo na sa kanilang sariling paa.

Kaugnay nito, pag-iibayuhin ng DSWD ang pag-repaso sa listahan upang maitutok ang pamimigay ng sapat na ayuda sa mga lubos na nangangailangang pamilya. 

Dagdag pa riyan, ipagpapatuloy aniya ng pamahalaan ang supplemental feeding program para sa mga bata sa mga Child Development Center at Supervised Neighborhood Play, at lalo pa itong palalawakin sa taong 2023.

Para naman sa mga nag-iisang magulang at mga nanay na nahiwalay sa kanilang mga mister dahil sa karahasan, sinabi ni Marcos na “pagtitibayin natin ang programa sa Violence Against Women and Their Children, kabilang na ang counselling para sa mga biktima, katuwang ang ating mga LGU.”

Edukasyon

“Naniniwala akong panahon na para bumalik sa paaralan ang ating mga kabataan,” ani Marcos.

Sa ilalim ng gabay at pamumuno ng ating napakagaling na Pangalawang Pangulong Sara Duterte, naghahanda na aniya ang Department of Education para sa susunod na pasukan, habang ikinokonsidera ang kaligtasan at kalusugan ng mga mag-aaral.

Para rito, maglulunsad ng pagtuturok ng booster shot ang Department of Health (DOH) at Department of the Interior and Local Government (DILG), kaya pinayuhan ng pangulo ang lahat na magpaturok bilang paghahanda sa pasukan sa paaralan.

Samantala, ang pisikal na kondisyon ng mga silid-aralan ay kailangang isiguradong maayos.

Para rito, magkakaroon aniya ng pag-uusap sa pagitan ng mga lokal at sentral na pamahalaan at Department of Public Works and Highways (DPWH) upang magkaroon ng kasunduan.

Nariyan din aniya ang mga diskusyon sa muling pagsusuri sa Sistema ng K to 12 upang magkaroon ng kaalaman sa tunay nitong epektibidad, at muling pagsasanay sa mga guro tungkol sa pagsulong ng teknolohiya matapos ang pandemiya.

Pahayag ni Marcos, “ang kagimbal-gimbal na kuwentong ating narinig hinggil sa mababang kalidad ng edukasyonal na materyal at suplay pampaaralan ay kailangang matigil!”

“Kailangang laging tangan ng ating mga kabataan ang mga pinakamahusay na kagamitang ating maibibigay,” aniya.

Saad pa niya, “ang edukasyon ay ang tangi nating pamana sa ating mga anak na hindi mawawaldas. Kaya anumang gastusin sa kanilang pag-aaral ay hindi tayo nagtitipid.  Hindi rin tayo nagtatapon.”

Saad pa ni Marcos, kailangan ng mga kabataan ang konektibidad sa Internet at mga kompyuter para makasali sa didyital na komunidad sa loob at labas ng bansa.

Bilang suporta, pabubutihin aniya ang international ranking ng Pilipinas, lalo na sa mga asignaturang Siyensiya, Teknolohiya, Engineering at Matematika (STEM), dahil ang mga kaalaman at kakayahang ito ay kailangan ng mga kabataan upang mabigyan sila ng pagkakataon sa kompetisyong panteknolohiya sa daigdig.

Samantala, mas gusto aniya ng maraming internasyonal na kompanya ang mga Pilipino dahil sa kanilang kakakayahan sa wikang Ingles, at ang Internet ay isang pandaigdigang merkado, hindi lamang ng mga produkto at serbisyo kundi ng mga ideya at personal na interaksyon sa wikang Ingles.

 Kaya naman, dapat pagbutihin pa ang pagtuturo at pag-aaral ng wikang Ingles sa mga paaralan, aniya.

Ani Marcos, ang teknolohiya ay kasama na ng ating pang-araw-araw na buhay, at karaniwan na rin ang mga pag-unlad sa quantum computing, artipisyal na intelihensiya, nano teknolohiya, internet of things, robotika, self-driving na elektronikong sasakyan, 3D na imprenta, virtual at augmented realidad, at iba pa.

Lahat ito ay nagpapabago sa takbo ng negosyo at makikibahagi aniya sa pag-unlad na ito ang mga Pilipino.

“Hindi tayo manonood na lamang,” pahayag ni Marcos.


Ulat: Rhio M. Zablan

Patnugot sa website: Jade