Kaugnay ng plano ni Nancy Pelosi, Ispiker ng Mababang Kapulungan ng Amerika, sa pagbisita sa Taiwan, ipinahayag ngayong araw, Agosto 2, 2022 ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang kasalukuyang tensyon ng kalagayan ng Taiwan Strait ay nagmula sa probokasyon ng Amerika. Sinabi pa niya na malinaw ang paninindigan ng Tsina sa matatag na pagtutol sa pagbisita ni Pelosi sa Taiwan.
Ipinahayag ni Hua na sa magkasanib na komunike ng pagtatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Amerika, kinikilala ng Amerika na ang People’s Republic of China ay ang tanging lehitimong pamahalaan na kumakatawan sa Tsina at sa ilalim ng balangkas nito, pinanatili ng mga mamamayang Amerikano ang relasyon sa kultura, negosyo at ibang mga di-opisyal na paraan sa mga mamamayan ng Taiwan.
Idiniin ni Hua na dapat sundin ng iba’t ibang sangay ng pamahalaang Amerika sa ehekutibo, lehislatibo at hudikatura ang nasabing prinsipyo at patakaran na kinilala ng Pamahalaan ng Amerika.
Dagdag pa niya, bilang Ispiker ng Mababang Kapulungan, ang pagbisita ni Pelosi sa Taiwan ay hindi nabibilang sa mga gawaing di-opisyal.
Sinabi pa ni Hua na noong dati, isinagawa ng ilang pulitikong Amerikano ang mga maling pananalita at aksyon sa isyu ng Taiwan, at ang mga ito ay hindi nagiging katibayan ng pagbisita ni Pelosi sa Taiwan.
Tinukoy ni Hua na bilang tugon sa mga probokasyon ng Amerika na nag-bulagbulagan sa solemnang representasyon ng panig Tsino, makatwiran at kinakailangan ang paggamit ng panig Tsino ng anumang katugong hakbangin. Ito aniya ay lehitimong kapangyarihan ng nagsasarili at soberanong bansa.
Muling hinimok ni Hua ang Amerika na sundin ang prinsipyong isang Tsina at isakatuparan ang nilalaman ng tatlong magkasanib na komunike ng dalawang bansa.
Idiniin ni Hua na kung magmamatigas si Pelosi sa pagdalaw sa Taiwan, dapat maging responsable ang panig Amerikano sa lahat ng mga malubhang resulta na magiging dulot nito.