Pahayag ng G7 kaugnay ng Taiwan region, basurang papel—Wang Yi

2022-08-05 15:20:13  CMG
Share with:

Phnom Penh, Kambodya—Kaugnay ng pahayag ng G7 at High Representative for Foreign Affairs and Security Policy ng Unyong Europeo hinggil sa usapin ng Taiwan, inihayag nitong Huwebes, Agosto 4, 2022 ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, ang buong tatag na pagtutol dito ng panig Tsino.

 

Aniya, binaligtad ng nasabing pahayag ang tama at mali, lantarang sinuportahan ang mga lumalapastangan sa karapatan, at pinatawan ng presyur ang nag-aalaga sa sariling interes.

 


Saad ni Wang, ang di-pakikialam sa mga suliraning panloob ng ibang bansa ay pinakapundamental na simulain sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng daigdig, hindi dapat hayaan ang muling pamamayagpag ng “law of the jungle” sa relasyon ng mga bansa.

 

Basurang papel lang ang naturang pahayag, dagdag niya.

 

Ayon kay Wang, mahigit 100 bansa ang nagpahayag ng kani-kanilang suporta sa prinsipyong isang Tsina, at pagtutol sa paglapastangan sa soberanya ng Tsina. Nananalig aniya siyang ito ang tunay na komong pananaw ng komunidad ng daigdig.

 

Samantala, pangkagipitang ipinatawag kahapon ni Deng Li, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina, ang mga diplomata ng kaukulang bansang Europeo at EU, para iharap ang solemnang representasyon ng panig Tsino sa nasabing negatibong pahayag.

 

Tinukoy ni Deng na ang pagpunta ni Nancy Pelosi, Tagapagsalita ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Amerika sa Taiwan ay tunay na manipulasyong pulitikal at lantarang paglapastangan sa soberanya at kabuuan ng teritoryo ng Tsina, kaya  ginawa ng panig Tsino ang siguradong mariing pagganti.

 

Aniya, sa halip ng pagkondena sa masamang aksyon ng panig Amerikano, sinabi ng naturang pahayag na “susundin ang patakarang isang Tsina sa angkop na panahon,” bagay na malubhang lumalabag sa prinsipyong isang Tsina, at nakapinsala sa pundasyong pulitikal ng bilateral na relasyon.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Mac