Wang Yi, inilahad ang posisyon ng Tsina sa usapin ng Taiwan

2022-08-06 14:28:25  CRI
Share with:

Sa isang preskong idinaos sa Phnom Penh pagkatapos ng kanyang pagdalo sa serye ng pulong ng mga ministrong panlabas tungkol sa kooperasyon sa Silangang Asya, inilahad ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, ang posisyon ng panig Tsino tungkol sa usapin ng Taiwan.


Ani Wang, dahil ikinalat kamakailan ng panig Amerikano ang mga pekeng impormasyon tungkol sa usapin ng Taiwan, kailangang linawin ng panig Tsino ang katotohanan.


Ipinahayag ni Wang na sa kabila ng mariing pagtutol at paulit-ulit na representasyon ng panig Tsino, bumisita si Nancy Pelosi, Ispiker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Amerika sa rehiyong Taiwan ng Tsina. Ito aniya ay malubhang lumalapastangan sa soberanya ng Tsina, malubhang nanghihimasok sa suliraning panloob ng Tsina, malubhang lumalabag sa ipinangako ng panig Amerikano, at malubhang nakakasira sa kapayapaan at katatagan ng Taiwan Straits.


Kaya, gumawa ang panig Tsino ng makatuwiran at buong tinding reaksyon, ani Wang.


Sinabi pa niyang inihayag na ng mahigit 100 bansa ang kanilang matatag na pagtanggap sa patakarang isang Tsina at pagkaunawa at pagsuporta sa makatuwirang posisyon ng panig Tsino.


Ito ay komon at makatarungang tinig mula sa komunidad ng daigdig, dagdag pa niya.


Salin: Lito

Pulido: Mac