Ipinahayag nitong Agosto 5, 2022 ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sapul nang bumisita sa rehiyong Taiwan ng Tsina si Nancy Pelosi, Ispiker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Amerika, inilabas na ng mahigit 160 bansa ang makatarungang tinig na nagsasabing ang pagbisita ni Pelosi sa Taiwan ay malubhang probokasyon at nagpakita ng kawalan ng paggalang at hindi responsable.
Ani Hua, ipinahayag ng naturang mga bansa na igigiit ang prinsipyong isang Tsina at susuportahan ang Tsina sa pangangalaga sa soberanya at kabuuan ng teritoryo ng bansa.
Bukod pa riyan, magkakasunod na ipinahayag ng mga partido at dating politiko ng mga bansa na ang pagbisita ni Pelosi sa Taiwan ay hegemonyang pagkilos. Sinusuportahan anila ang Tsina sa pangangalaga sa soberanya at kabuuan ng teritoryo ng bansa.
Ipinahayag ni Hua na tumitindig kasama ng mga mamamayang Tsino ang halos 90% ng populasyon sa buong daigdig.
Kung talagang irerespeto ng panig Amerikano at ilang kaalyansa nito ang demokrasya, dapat nilang pakinggan at igalang ang tinig mula sa mahigit 1.4 na bilyong mamamayang Tsino at halos 90% ng populasyon sa buong mundo, dagdag niya.
Salin: Lito
Pulido: Mac