Maling pananalita ng Embahador ng Amerika sa Tsina kaugnay ng usapin ng Taiwan, pinuna ng tagapagsalitang Tsino

2022-08-23 15:14:22  CMG
Share with:

Sa kanyang panayam sa Cable News Network (CNN) noong ika-19 ng Agosto, sinabi ni Nicholas Burns, Embahador ng Amerika sa Tsina, na ang matinding reaksyon ng Tsina sa pagpunta ni Ispiker Nancy Pelosi ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Amerika sa Taiwan ay elementong nagbunsod ng distabilisasyon sa Taiwan Strait, at nagbunga ng krisis sa relasyong Sino-Amerikano.

 

Kaugnay nito, sinabi ng tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na binaliktad ng pananalita ni Burns ang tama at mali, at muling ibinunyag ang hegemonistikong lohika ng panig Amerikano.

 

Saad ng tagapagsalitang Tsino, bago pumunta sa Taiwan si Pelosi, paulit-ulit na iniharap ng panig Tsino ang solemnang representasyon sa panig Amerikano sa iba’t ibang antas, at paulit-ulit ding ipinagdiinan ang malubhang pinsala ng biyahe ni Pelosi sa Taiwan. Malinaw na tinukoy ng panig Tsino na ang lahat ng mga bungang dulot nito ay isasabalikat ng panig Amerikano.

 

Samantala, dalawang beses na ipinatawag si Burns ni Xie Feng, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina, upang iharap ang solemnang representasyon ng pamahalaang Tsino.

 

Muling hinimok ng panig Tsino ang panig Amerikano na sundin ang pundamental na norma ng relasyong pandaigdig sa paggalang sa soberanya at kabuuan ng teritoryo ng ibang bansa, at di-pakikialam sa mga suliraning panloob ng ibang bansa, bumalik sa tamang landas ng prinsipyong isang Tsina at mga alituntunin ng tatlong magkasanib na komunike ng Tsina at Amerika, at ihinto ang lahat ng pananalita at aksyong makakapinsala sa nukleong interes ng panig Tsino.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Mac