Tsina, nanawagang tiyaking alisin ang panganib mula sa Zaporizhzhia nuclear power

2022-08-24 14:23:46  CMG
Share with:

 

Sa pulong ng United Nations (UN) hinggil sa pagsusuri sa seguridad ng pasilidad na nuklear ng Ukraine, nanawagan nitong Martes, Agosto 23, 2022 si Geng Shuang, Pangalawang Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa UN, sa mga may kinalamang panig na magtimpi para mabawasan sa pinakamalaking digri ang panganib mula sa Zaporizhzhia nuclear power plant sa Ukraine.

 

Sinabi ni Geng na ang anumang aksidente ay posibleng magdulot ng napakalubhang aksidenteng nuklear. Ito aniya ay magdudulot ng “irreversible consequences” para sa ekolohikal na kapaligiran at pampublikong kalusugan ng Ukraine at mga karatig na bansa.

 

Sinabi pa ni Geng na palagiang kinakatigan ng Tsina ang pagsasakatuparan ng International Atomic Energy Agency (IAEA) ng tungkulin sa pagsusuperbisa at paggarantiya ng seguridad na nuklear.

 

Aniya pa, dapat puntahan at suriin ng IAEA ang Zaporizhzhia nuclear power plant sa lalong madaling panahon para tasahin ang kalagayang panseguridad ng pasilidad na nuklear doon.

 

Bukod dito, ipinagdiinan ni Geng na kung talagang nais alisin ang banta ng nasabing nuclear power plant, dapat pahupain ng komunidad ng daigdig ang tensyon sa pagitan ng Ukraine at Rusya sa responsableng paraan para maisakatuparan ang tigil-putukan sa pinakamadaling panahon.


Salin: Ernest

Pulido: Mac