Xi Jinping, bumati sa pagdaraos ng CIFTIS

2022-09-01 14:47:17  CMG
Share with:

Nagpadala nitong Miyerkules, Agosto 31, 2022 si Pangulong Xi Jinping ng Tsina ng liham na pambati sa China International Fair for Trade In Services (CIFTIS).


Sa kanyang liham, tinukoy ni Xi na ang CIFTIS ay mahalagang plataporma ng Tsina para sa pagbubukas sa labas, pagpapalalim ng mga kooperasyon at pagpapasulong ng inobasyon. Ani Xi, ang CIFTIS ay nagbibigay ng mahalagang ambag para sa pag-unlad ng industriya at kalakalan ng serbisyo sa buong daigdig.


Sinabi pa ni Xi na patuloy na paluluwagin ng Tsina ang istandard ng pagpasok sa pamilihang panserbisyo, at patataasin ang antas ng transnasyonal na kalakalan ng serbisyo.


Sinabi ni Xi na nakahanda ang Tsina na igiit, kasama ng mga bansa sa buong daigdig, ang multilateralismo, pantay na pagpapahalaga sa lahat, kooperasyon at win-win situation at magkasamang pasulungin ang bukas at pinagbabahaginang kabuhayan ng serbisyo. Layon nito aniya ay pasiglahin ang pagbangon ng kabuhayang pandaigdig.


Ang CIFTIS ay idinaraos sa Beijing mula Agosto 31 hanggang Setyembre 5 ng taong ito.


Salin: Ernest

Pulido: Mac