Pagdalaw ng Pangulong Tsino sa Uzbekistan, sinimulan

2022-09-15 11:31:39  CMG
Share with:

Dumating nitong Miyerkules ng gabi, Setyembre 14, 2022 (local time) ng Samarkand, Uzbekistan si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, para sa dalaw-pang-estado at paglahok sa Ika-22 pulong ng Konseho ng mga Puno ng mga Bansa ng Shanghai Cooperation Organization (SCO).

 


Sa paliparan, sinalubong si Xi ni Pangulong Shavkat Mirziyoyev ng Uzbekistan at ng ibang opisyal na kinabibilangan nina Punong Ministro Abdulla Aripov at Ministrong Panlabas Abdulaziz Kamilov.

 


Sa kanyang nakasulat na talumpati, tinukoy ni Xi na mabilis na umuunlad ang komprehensibo’t estratehikong partnership ng Tsina at Uzbekistan, bagay na hindi lamang nakakapaghatid ng benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang bansa, kundi nakakapagpasulong din sa kapayapaan, katatagan, kasaganaan at kaunlaran ng rehiyon.

 


Aniya, malalimang makikipagpalitan siya ng kuru-kuro kay Pangulong Mirziyoyev tungkol sa pagpapalalim ng kooperasyon ng dalawang bansa at mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapuwa nilang pinahahalagahan, at magkasamang ilalatag ang blueprint para sa pag-unlad ng relasyong Sino-Uzbek.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Mac