Samarkand, Uzbekistan—Sa kanilang pag-uusap nitong Huwebes, Setyembre 15, 2022, ipinatalastas nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Shavkat Mirziyoyev ng Uzbekistan na bibigyang-diin ng kapuwa panig ang pangmalayuang pag-unlad ng relasyong Sino-Uzbek at kabiyayaan ng mga mamamayan ng dalawang bansa sa hinaharap, palalawakin ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, patitibayin ang pagkakaibigan at partnership, at ipapatupad ang komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan sa bilateral na antas.
Inihayag ni Pangulong Xi ang kahandaan ng panig Tsino na palakasin ang kooperasyon sa Uzbekistan, buong tatag na tutulan ang pakikialam ng puwersang panlabas sa mga suliraning panloob, ipagtanggol ang katatagan sa loob ng sariling bansa, at pangalagaan ang kapakanang panseguridad ng rehiyon.
Nakahanda rin aniya ang panig Tsino, kasama ng mga bansa sa rehiyong gaya ng Uzbekistan, na palakasin ang mekanismo ng pagtatagpo ng Tsina at limang bansa ng Gitnang Asya, at likhain ang bagong malawakang espasyo para sa kooperasyon ng Tsina at mga bansa ng Gitnang Asya.
Saad naman ni Pangulong Mirziyoyev, umaasa ang panig Uzbek na hihiramin ang matagumpay na karanasan ng Tsina sa pagbabawas sa karalitaan, patuloy at aktibong sasali sa Belt and Road cooperation, at palalakasin ang kooperasyon sa iba’t ibang larangang gaya ng kabuhaya’t kalakalan, pamumuhunan, natural gas, bagong enerhiya, imprastrukturang agrikultural, kultura, people-to-people exchanges at iba pa.
Pagkatapos ng pag-uusap, nilagdaan ng dalawang lider ang isang magkasanib na pahayag.
Lumagda rin ang mga kaukulang departamento ng dalawang bansa sa mga dokumentong pangkooperasyon sa mga larangang kinabibilangan ng agrikultura, digital economy, berdeng pag-unlad, kultura, lokalidad, at media.
Salin: Vera
Pulido: Mac