Samarkand, Uzbekistan—Nilahukan ngayong araw, Setyembre 16, 2022 ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang small-scale talks ng Ika-22 pulong ng Konseho ng mga Puno ng mga Bansa ng Shanghai Cooperation Organization (SCO).
Nangulo sa pag-uusap si Pangulong Shavkat Mirziyoyev ng Uzbekistan.
Kalahok dito ang mga pangulo ng mga kasaping bansa ng SCO na kinabibilangan ng Rusya, Kazakhstan, Kyrgyzstan at Tajikistan, at mga punong ministro ng India at Pakistan.
Nagpalitan sila ng kuru-kuro hinggil sa pag-unlad ng SCO at mahahalagang isyung panrehiyon at pandaigdig na may kinalaman sa kalagayang pulitikal at ekonomiko ng rehiyon.
Sa kanyang talumpati, binigyan ni Xi ng lubos na pagpapahalaga ang positibong pagsisikap at mahalagang ambag na ginawa ng Uzbekistan sa paghahanda para sa Samarkand Summit, at pagpapasulong ng pag-unlad ng SCO bilang kasalukuyang bansang tagapangulo ng SCO.
Ipinagdiinan niyang sa harap ng masalimuot na kalagayan, dapat igiit ang direksyon ng pag-unlad ng SCO, palalimin ang kooperasyon sa iba’t ibang larangan, at patuloy na likhain ang paborableng kapaligiran para sa pag-unlad at pagpapasigla ng mga kasaping bansa.
Diin niya, kahit ano man ang maging pagbabago sa kalagayang pandaigdig, sa mula’t mula pa’y igigiit ng Tsina ang mapayapa, bukas, kooperatibo at komong pag-unlad, ituturing na priyoridad ng diplomasya ang SCO, bibigyang-tulong ang pag-unlad ng mga bansa sa rehiyon sa pamamagitan ng sariling pag-unlad, at ihahatid ang mas maraming kabiyayaan sa mga mamamayan ng iba’t ibang bansa.
Salin: Vera
Pulido: Mac