Wang Yi, at Diplomatic Advisor ng Pangulong Pranses, nagtagpo

2022-09-22 15:10:32  CMG
Share with:

Kasabay ng pagdaraos ng Ika-77 Sesyon ng Pangkalahatang Asembleya ng United Nations (UN), nagtagpo Setyembre 21, 2022 sa New York sina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Emmanuel Bonne, Diplomatic Advisor ng Pangulong Pranses.


Inilahad ni Bonne ang mga paninindigan hinggil sa krisis ng Ukraine, na inihayag ni Pangulong Emmanuel Macron sa kanyang talumpati sa pangkalahatang debatehan ng Asembleya ng UN.


Lubos aniyang pinahahalagahan ng kanyang bansa ang pagpapanumbalik ng katatagan at kapayapaan sa Europa.


Nakahanda ang Pransya na panatilihin, kasama ng Tsina ang pagpapalagayan sa mataas na antas, pahigpitin ang pag-uugnayan at pagkokoordinahan, at magkasamang pagsisikap para maitigil ang sagupaan sa Ukraine, saad ni Bonne.


Ipinahayag naman ni Wang na hanga ang panig Tsino sa bukas na pagtutol ni Pangulong Macron sa bagong cold war, komprontasyon sa pagitan ng mga kampo at grupo, at paghihiwalay ng daigdig.


Saad ni Wang, kinakatigan ng Tsina ang pagsasagawa ng medyasyon ng Pransya para sa kapayapaan.


Ang Tsina at Pransya ay umaasang maisasakatuparan ang tigil-putukan at kapayapan sa Ukraine sa pamamagitan ng talastasang pangkapayapaan, pahayag pa ni Wang.


Salin: Ernest

Pulido: Rhio