Premyer Tsino: Dapat pahigpitin ng Tsina at Hapon ang kooperasyong pangkabuhayan

2022-09-23 15:42:40  CMG
Share with:

Sa mataas na antas na diyalogo via videolink sa mga kinatawan ng sektor na pangkabuhayan ng Hapon na idinaos kahapon, Setyembre 22, 2022, ipinahayag ni Premyer Li Keqiang ng Tsina na nakahanda ang panig Tsino na pasulunguin, kasama ng Hapon, ang mga kooperasyon sa iba’t ibang antas at larangan.


Tinukoy ni Li na ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ay pundasyon at puwersa ng relasyong Sino-Hapones. Sinabi niyang nitong ilang taong nakalipas, malakas ang katulad na kooperasyon ng dalawang panig.


Ayon sa datos, ang bolyum ng kalakalan ng dalawang bansa noong 2021 ay lumampas sa US$370 bilyon na naging rekord sa kasaysayan.


Sinabi ni Li na kasabay ng mga gawain sa pagpigil at pagkontrol ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), maayos na dinagdagan ng Tsina ang bilang ng mga flights sa pagitan ng dalawang bansa.


Inilahad din ni Li ang kalagayang pangkabuhayan ng Tsina.


Ipinahayag ng mga kinatawang Hapones na ang kooperasyong pangkabuhayan ng dalawang bansa ay nagpapasulong sa pag-unlad ng kanilang kabuhayan at kabuhayang pandaigdig.


Pinasalamatan nila ang mga tulong ng Tsina sa operasyon ng mga dayuhang bahay-kalakal sa Tsina na kinabibilangan ng mga bahay-kalakal na Hapones, para mapatagumpayan ang mga hamon ng pandemiya ng COVID-19.


Sinabi pa nilang puno sila ng pananalig sa kinabukasan ng kabuhayang Tsino at nakahandang palawakin ang mga kooperasyon sa Tsina sa mga larangan na gaya ng kabuhayan, kalakalan, pangangalaga sa kapaligiran, at kalusugan.


Tinalakay din ng dalawang panig ang mga isyu na gaya ng pagharap sa pandaigdigang hamong pinansiyal, at pagbabago ng klima.


Salin: Ernest

Pulido: Mac