Pagkakaisa, pagtutulungan at pagpopokus sa kaunlaran, ipinanawagan ng Tsina sa UN

2022-09-30 16:01:47  CMG
Share with:

Sa pangkalahatang debatehan ng Ika-3 Komite ng Ika-77 Pangkalahatang Asembleya ng United Nations (UN) kahapon, Setyembre 29, 2022, nanawagan si Dai Bing, Pangalawang Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa UN, na palakasin ng komunidad ng daigdig ang pagkakaisa at pagtutulungan, at pag-ukulan ng pokus ang isyu ng kaunlaran.

 

Saad ni Dai, ang multilateralismo ay pundasyon ng kaayusang pandaigdig. Sa harap ng malaking kakulangan ng yamang pangkaunlaran sa buong mundo, dapat igiit ng iba’t ibang bansa ang simulain ng magkasamang pagtalakay, pagtatatag at pagbabahagi, at pagtutulungan ng isa’t isa.

 

Dapat totohanang isabalikat ng mga maunlad na bansa ang responsibilidad, ipagkaloob ang mas maraming yamang pangkaunlaran sa mga umuunlad na bansa, at palakasin ang kakayahan ng mga umuunlad na bansa sa sarilinang pag-unlad, dagdag niya.

 

Diin ni Dai, dapat pangalagaan ng komunidad ng daigdig ang lehitimong karapatan sa pag-unlad ng iba’t ibang bansa, igalang ang landas ng pag-unlad na kusang pinili ng mga bansa, at tutulan ang hegemonismo, power politics, at sapilitang pagpapataw ng mithiin at di-patas na alituntunin ng iilang bansa sa ibang bansa.

 

Winewelkam din niya ang pagsapi ng iba’t ibang bansa sa Grupo ng mga Kaibigan ng Global Development Initiative, at magkasamang pagbibigay-ambag sa pagpapatupad ng 2030 Agenda for Sustainable Development.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Mac