Sinabi Sabado, Oktubre 8, 2022 ni Tagapagsalita Mao Ning ng Ministring Panlabas ng Tsina na tatlong beses nang hindi inabot ng Hapon ang deadline para sa pagsira sa mga naiwang sandatang kemikal nito sa Tsina, at nalalapit na ang ika-4 na deadline.
Aniya, hindi natutuwa ang mga mamamayang Tsino’t Hapones at komunidad ng daigdig sa hindi pagpapatupad ng panig Hapones sa kaukulang plano.
Mariin aniyang hinihimok ng panig Tsino ang panig Hapones na isagawa ang pangakong pulitikal at pambatas sa komunidad ng daigdig at ganap, kumpleto at wastong ipatupad ang bagong plano ng pagsira sa nasabing mga sandatang kemikal.
Mula ika-4 hanggang ika-7 ng Oktubre, ginanap ang Ika-101 Sesyon ng Executive Council ng Organization for the Prohibition of Chemical Weapons (OPCW).
Sa panahong ito, sinuri at pinagtibay ang plano ng pagsira sa mga naiwang sandatang kemikal ng Hapon sa Tsina matapos ang taong 2022.
Ang nasabing plano ay isinumite ng Tsina at Hapon.
Tungkol dito, inihayag ni Mao na ito ay nagpapakita ng pagpapahalaga at pagsuporta ng komunidad ng daigdig sa paghawak sa mga naiwang sandatang kemikal ng Hapon sa Tsina.
Aniya, may positibong pagtasa ang Tsina sa usaping ito.
Salin: Vera
Pulido: Rhio