“Ang buong-prosesong demokrasyang bayan ay ang depinitibong katangian ng sosyalistang demokrasya, at ito ang pinakamalawak, pinakatunay at pinakamabisang porma ng demokrasya.”
Ito ang inilahad ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas ng Ika-20 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), Oktubre 16, 2022.
Sa Tsina, ang konsepto ng demokrasya ay galing sa obra maestra na Koleksyon ng mga Sinaunang Teksto (Collection of Ancient Texts) na kinatha mga 2,200 taon na ang nakakaraan. Batay rito, ang pinuno ng bansa ay hinihirang ng mga mamamayan. Ito rin ang pundasyon ng ideyang pampulitika ng Tsina na “ang mga mamamayan ay pundasyon ng bansa.”
Ang mga sinaunang kaisipang demokratiko, na ipinamana sa kasalukuyang panahon ay ang naging batayan ng buong-prosesong demokrasyang bayan.
Sa Komunidad Lihong, Lunsod Maoming, Lalawigang Guangdong, may takdang bukas na lugar kung saan pinag-uusapan ng mga miyembro ng CPC sa lokalidad at mga residenteng lokal ang mga usaping may kaugnayan sa komunidad.
Sa Tsina, ang demokrasya ay nangangahulugang pamamahala ng mga mamamayan. Ibig sabihin, nasa kamay ng mga mamamayan ang lahat ng kapangyarihan. Ang sistema ng kongresong bayan ay garantiyang ang mga mamamayan ay ang panginoon ng bansa.
Sa Komunidad Ronghua, Distritong Changning, Shanghai, ang mga dayuhang residente ay kalahok sa pakikipagtalakayan sa mga usapin ng komunidad. Kalahati ng 32,000 residente ng pamayanan ay mga banyaga. Labing-anim (16) na dayuhan ay miyembro ng komite ng komunidad at naghain sila ng kuru-kuro at mungkahi kaugnay ng buwis sa kita ng mga dayuhan, pag-aalaga ng mga aso, pag-uuri ng basura at iba pa.
Sa Tsina, ang demokrasya ay buong-proseso at sumasaklaw sa lahat. Layon nitong tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan at protektahan ang karapatan at kapakanan ng mga mamamayan. Ang lahat ng mga isyung may kinalaman sa mga mamamayan at bansa ay maaaring lutasin sa paraang demokratiko.
Ang pagdaraos ng Ika-20 Pambansang Kongreso ng CPC ay nagpapakita rin ng buong-prosesong demokrasyang bayan. Ang mahigit 2000 delegado na kumakatawan sa mahigit 96 na milyong miyembro ng CPC ay galing sa iba’t ibang sektor.
Bago nagbukas ang naturang kongreso, hiniling ng CPC ang mga kuru-kuro at mungkahi ng mga mamamayan hinggil sa ulat ng kongreso sa pamamagitan ng online na plataporma. Umabot sa 660 milyong beses ang naitalang pagbasa sa may kaugnayang webpage. Kabilang sa mga netizen na nag-iwan ng mga palagay ay mga mangangalakal, manggagawa, dalubhasa, siyentista, opisyal, civil servant at iba pa.
Bukod dito, nakipagpulong din ang Komite Sentral ng CPC sa mga personaheng di-kasapi ng CPC para pakinggan ang kanilang palagay at mungkahi hinggil sa ulat ng Ika-20 Pambansang Kongreso.
Salin: Jade
Pulido: Rhio