Sa panayam bago buksan ang Ika-20 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), Linggo, Oktubre 16, 2022 sa Beijing, isinalaysay ng 15 delegado ng CPC ang pinakahuling progreso ng kaunlaran ng kani-kanilang sirkulo at lupang tinubuan sa iba’t ibang larangang gaya ng pagpawi sa karalitaan, pagpapasigla ng kanayunan, seguridad ng pagkain, edukasyon, serbisyong medikal at iba pa.
Inilahad ni Wang Yaping, Taikounaut at delegado ng Ika-20 Pambansang Kongreso, na sinimulan na ang pagpili sa mga kandidato ng ika-4 na pangkat ng mga taikounaut.
Welkam aniyang sumali ang mas maraming kabataan sa usaping pangkalawakan ng Tsina.
Sa malapit na hinaharap, komprehensibong matatapos ang konstruksyon ng istasyong pangkalawakan ng bansa, at umaasa siyang maitatalaga rito ang mga banyagang astronaut, para magkasamang mapag-aralan ang kalawakan, dagdag niya.
Inihayag naman ni Wu Dajing, short-track speed skater ng Tsina at gold medalist sa Winter Olympics, na buong sikap niyang palalaganapin ang palakasan ng yelo’t niyebe, at diwa ng Beijing Olympic Winter Games.
Salin: Vera
Pulido: Rhio