Mga Salawikaing Kalasiko sa Makabagong Panahon: Pagbubukas at komong kaunlaran

2022-10-22 11:46:36  CMG
Share with:



“Kailangan nating alisin ang harang, sa halip na magtayo ng pader. Kailangan tayong magbukas, sa halip na magbukod. Kailangan tayong magkaisa, sa halip na maghiwalay. Ito ang paraan ng pagtatayo ng bukas na kabuhayang pandaigdig.”--Xi Jinping


Sa sinaunang piktograpong karakter Tsino, ang pagbubukas ay naglalarawan ng pagtaas ng bareta at pagbubukas ng pinto.  


Ang pagbubukas ng pinto at mainit na pagtanggap sa mga panauhin ay kagawiang sinusunod ng mga Tsino sa loob ng libu-libong taon. Nasa kaibuturan ng puso’t isipan ng bawat Tsino ang salawikaing “kay saya ng pagdalaw ng kaibigan mula sa malayo,” na sinabi ni Kompyusiyus, guro’t pantas na nabuhay mahigit 2,500 taon na ang nakalilipas.


Ang kaisipan ng pagbubukas sa labas ay nakaugat sa kulturang Tsino. Kaugnay nito, nagsimula sa Lunsod Quanzhou, Lalawigang Fujian, dakong timog-silangan ng Tsina ang sinaunang silk road na pandagat. Noong 2003, isang labi ng sinaunang bapor Tsino ang natagpuan sa karagatan sa Malaysiya, at karamihan sa mga 37,000 piraso ng porselanang lulan nito ay asul-at-puting porselanang Tsino. Ang asul-at-puting porselana na kilalang kilala pa rin sa Hapon, Timog-silangang Asya, Kanlurang Asya, at Europa ay bunga ng pagkakalakalan ng Tsina’t iba pang bansa sa pamamagitan ng silk road, 800 taon na ang nakakaraan. Ayon sa historikal na tala, ang tinta ng asul-at-puting porselana ay galing sa Gitnang-Silangang Asya.


Minamana ng hene-henerasyong Tsino ang ideya ng pagbubukas at pagiging inklusibo. Halimbawa, sa Koleksyon ng mga Sinaunang Teksto, obra maestra na may pinakamahabang kasaysayan sa Tsina, nakasaad ang linyang nagbibigay-importansya sa maharmonyang pakikipamuhayan ng mga tao at iba’t ibang bansa. Iniharap ni Hsun Tzu o Xun Zi, guro’t pantas na nabuhay mahigit 2,000 taon na ang nakalilipas, ang ideyang “magkapamilya ang buong mundo.” Sa makabagong panahon, inihain naman ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang Belt and Road Initiative (BRI), panibagong bersyon ng sinaunang silk road, tungo sa komong kaunlaran. Bukod dito, para sa kabutihan ng sangkatauhan, bukas din sa lahat ng bansa ang China Space Station na Tiangong at Five-hundred-meter Aperture Spherical radio Telescope o FAST.


Sa kasalukuyang mundo, nakalulungkot makita na pinipinsala ng unilateralismo at proteksyonismo ang pandaigdig na kaayusang pangkabuhaya’t pangkalakalan. Ito’y nagdudulot ng panganib at kawalang-katiyakan sa kaunlaran ng mundo.


Bilang tugon sa mga banta’t hamon, kailangang manangan ang komunidad ng daigdig sa multilateralismo, pagbubukas, pagiging inklusibo, pagpapalitan, at pag-aaral sa isa’t-isa ng magkakaibang sibilisasyon.


Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng Ika-20 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina, Oktubre 16, 2022, inulit ni Pangulong Xi ang pangako ng Tsina.

“Ang bagong pag-unlad ng Tsina ay magdudulot ng bagong pagkakataon sa mundo para pasulungin ang pagtatatag ng bukas na kabuhayang pandaigdig at mas mainam na maghahatid ng benepisyo para sa mga mamamayan ng iba’t ibang bansa.”


Ang pagbubukas sa labas ay saligang pambansang patakaran ng Tsina. Tulad ng sabi ni Xi, hinding hindi magsasara ang pinto ng Tsina, sa halip, lalo pa itong magbubukas.  


Salin/Patnugot: Jade 

Pulido/Voice-over: Rhio

Patnugot sa website: Jade

Patnugot sa video: Vera